Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Kaya't kung may anumang pampalakas ng loob na nagmumula kay Cristo, kung may anumang pampasiglang dulot ng pag-ibig, kung may anumang pagsasamahang mula sa Espiritu, kung may anumang pagmamalasakit at habag, lubusin ninyo ang aking kagalakan. Magkaisa kayo sa pag-iisip, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa diwa at layunin. Huwag ninyong gawin ang anuman dahil sa pansariling hangarin o dahil sa kayabangan. Sa halip, magpakumbaba kayo at ituring ang iba na mas mahalaga kaysa inyong sarili. Pahalagahan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang kapakanan ng inyong sarili. Taglayin ninyo ang pag-iisip na tulad ng kay Cristo Jesus;

kahit siya'y nasa kalikasan ng Diyos,
    ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan
    ang pagiging kapantay ng Diyos,
sa halip ay itinuring niyang walang halaga ang sarili,
    kinuha ang kalikasan ng alipin,
    at naging katulad ng mga tao.
At nang natagpuan sa kaanyuan ng tao,
ibinaba niya ang kanyang sarili,
    at naging masunurin hanggang sa kamatayan,
    maging kamatayan sa krus.
Kaya naman siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at ginawaran ng pangalang higit na mataas kaysa lahat ng pangalan;
10 upang (A) sa pangalan ni Jesus
    ang bawat tuhod ay lumuhod,
    ang mga nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa,
11 at ipahayag ng bawat bibig
    na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Magsilbing Ilaw sa Sanlibutan

12 Kaya nga, mga minamahal ko, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod, hindi lamang kung ako'y kaharap ninyo, kundi lalo ngayong ako'y wala riyan sa inyo, magpatuloy kayo sa gawain nang may takot at lubos na pag-iingat upang maunawaan ninyo ang kahulugan ng inyong kaligtasan, 13 sapagkat ang Diyos ang gumagawa sa inyo, upang naisin ninyo at gawin ang kanyang mabuting layunin. 14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang angal at pagtatalo, 15 upang (B) kayo'y maging mga walang kapintasan at dalisay na mga anak ng Diyos. Hindi kayo dapat maparatangan ng anuman sa pamumuhay ninyo sa gitna ng isang salinlahing baluktot at masama. Magningning kayong tulad ng mga tanglaw sa sanlibutan. 16 Patuloy ninyong panghawakan ang salita ng buhay upang sa araw ni Cristo ay maipagmalaki ko na hindi nasayang ang aking pagtakbo at hindi nauwi sa wala ang aking pagpapagal. 17 At kahit ibinubuhos pa ako na parang inuming handog sa ibabaw ng alay at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako'y natutuwa at nakikiisa sa kagalakan ninyong lahat. 18 Sa gayunding paraan, dapat kayong matuwa at makiisa sa aking kagalakan.

Sina Timoteo at Epafrodito

19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na maisugo agad sa inyo si Timoteo, upang mapanatag din ang isip ko kapag nalaman ko na ang kalagayan ninyo. 20 Wala akong ibang maitutulad sa kanya na totoong magmamalasakit sa inyong kapakanan, 21 sapagkat ang hinahanap lamang ng lahat ay ang sarili nilang kapakanan, hindi ang mga nauukol kay Jesu-Cristo. 22 Ngunit alam ninyong napatunayan na ni Timoteo[a] ang kanyang sarili; sapagkat gaya ng paglilingkod ng anak sa kanyang ama ay naglingkod siyang kasama ko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 23 Kaya umaasa ako na isusugo ko siya kaagad, kapag nalaman ko na kung ano ang mangyayari sa akin. 24 Nagtitiwala rin ako sa Panginoon na malapit na akong makapunta riyan.

25 Bukod dito, iniisip kong kailangang papuntahin diyan si Epafrodito, na aking kapatid, kamanggagawa, at kapwa kawal, na isinugo ninyo upang maglingkod para sa aking pangangailangan. 26 Sabik na sabik na siyang makita kayo. Nalulungkot siya sapagkat nabalitaan ninyo na siya'y nagkasakit. 27 Totoo ngang siya'y nagkasakit at halos mamatay na. Ngunit naawa sa kanya ang Diyos; at hindi lamang sa kanya kundi pati sa akin, kung hindi'y nagkapatung-patong sana ang aking kalungkutan. 28 Kaya't lalo kong sinikap na isugo siya, upang kapag makita ninyo siyang muli, matutuwa kayo at ako naman ay mababawasan ng pangamba. 29 Kaya't buong kagalakan ninyo siyang tanggapin bilang lingkod ng Panginoon. Parangalan ninyo ang mga taong katulad niya. 30 Nabingit siya sa kamatayan dahil sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay upang punan ang kakulangan ng inyong paglilingkod sa akin.

Footnotes

  1. Filipos 2:22 Sa Griyego, siya.