Add parallel Print Page Options

Ang Kalayaan kay Cristo

Pinalaya tayo ni Cristo upang patuloy na tamasahin ang kalayaang ito; kaya't magpakatatag kayo at huwag na muling magpaalipin.

Pakinggan ninyo ito! Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo: kung kayo'y patutuli, mawawalan ng kabuluhan sa inyo si Cristo. Narito muli ang aking babala: bawat taong nagpatuli ay kailangang tumupad sa buong kautusan. Kayong mga nagnanais na ituring na matuwid sa pamamagitan ng Kautusan, napalayo na kayo kay Cristo at nawalay mula sa kanyang biyaya. Subalit kami ay taimtim na umaasang ituturing na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya at ng kapangyarihan ng Espiritu. Sapagkat kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang pagiging tuli o di-tuli, kundi ang pananampalatayang pinatutunayan sa pamamagitan ng pag-ibig.

Maayos na sana ang pagtakbong ginagawa ninyo noon. Sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? Hindi iyan gagawin ng Diyos na tumawag sa inyo! Ang (A) kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa. 10 Nagtitiwala ako sa Panginoon na walang tututol sa akin tungkol sa mga bagay na ito. At sinumang nanggugulo sa inyo ay tiyak kong parurusahan ng Diyos. 11 Tungkol naman sa akin, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? At kung nangangaral ako na kailangan pa ang pagtutuli, mawawala na ang katitisuran ng krus. 12 At sila na mga nanggugulo sa inyo ay hindi lamang dapat magpatuli kundi tuluyan nang magpaputol.

13 Tinawag kayo upang maging malaya, mga kapatid. Kaya lang, huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang pagbigyan ang hilig ng laman. Sa halip, maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat (B) ito ang buod ng Kautusan: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayu-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.

Ang mga Gawa ng Laman

16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu, at huwag na huwag kayong susunod sa hilig ng laman. 17 Sapagkat (C) ang mga hilig ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa mga hilig ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang nais ninyong gawin. 18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. 19 Hindi naman maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, karumihan, kahalayan, 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi, 21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng babala ko noon, na ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

Ang Bunga ng Espiritu

22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, 23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. 24 Ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makalamang pagkatao, kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito. 25 Yamang binigyan na tayo ng Espiritu ng bagong-buhay, lumakad tayo ayon sa kanyang patnubay. 26 Huwag na tayong maging palalò, huwag na nating galitin ang isa't isa, at huwag na rin tayong mag-inggitan.

Sa (A)kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo: magsitibay nga kayo, at huwag na kayong pasakop na muli (B)sa pamatok ng pagkaalipin.

Narito, akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo, (C)na, kung inyong tinatanggap ang pagtutuli, ay wala kayong mapapakinabang na anoman kay Cristo.

Oo, pinatotohanan kong muli sa bawa't taong tumatanggap ng pagtutuli, (D)na siya'y may kautangang tumupad ng buong kautusan.

Kayo'y hiwalay kay Cristo, (E)kayong nangagiibig na ariing-ganap ng kautusan; nangahulog kayo mula (F)sa biyaya.

Sapagka't tayo sa pamamagitan ng Espiritu sa pananampalataya ay (G)naghihintay ng pangako ng katuwiran.

Sapagka't (H)kay Cristo Jesus, kahit ang pagtutuli ay walang kabuluhan, kahit man ang di-pagtutuli; (I)kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pagibig.

Nagsisitakbo kayong mabuti nang una; (J)sino ang gumambala sa inyo upang kayo'y huwag magsisunod sa katotohanan?

Ang paghikayat na ito ay hindi nagmula (K)doon sa tumawag sa inyo.

Ang kaunting lebadura ay (L)nagpapakumbo sa buong limpak.

10 Ako'y may pagkakatiwala sa inyo sa Panginoon, na hindi kayo nagsipagisip ng ibang paraan: datapuwa't (M)ang gumagambala sa inyo ay magtataglay ng kaniyang kahatulan, maging sinoman siya.

11 Nguni't ako, mga kapatid, (N)kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, (O)bakit ako'y pinaguusig pa? kung gayon ay natapos (P)na ang katitisuran sa krus.

12 Ibig ko sana na ang mga nagsisigulo sa inyo ay gumawa ng (Q)higit sa pagtutuli.

13 Sapagka't kayo, mga kapatid, ay tinawag sa (R)kalayaan; (S)huwag lamang gamitin ang inyong kalayaan, upang magbigay kadahilanan sa laman, kundi sa pamamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo.

14 Sapagka't ang (T)buong kautusan ay natutupad sa isang salita, sa makatuwid ay dito: (U)Iibigin mo ang inyong kapuwa na gaya ng inyong sarili.

15 Nguni't kung kayo-kayo rin ang nangagkakagatan at nangagsasakmalan, magsipagingat kayo na baka kayo'y mangaglipulan sa isa't isa.

16 Sinasabi ko nga, (V)Magsilakad kayo ayon sa Espiritu, at hindi ninyo gagawin ang mga pita ng laman.

17 Sapagka't (W)ang laman ay nagnanasa ng laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagka't ang mga ito ay nagkakalaban; (X)upang huwag ninyong gawin ang bagay na inyong ibigin.

18 Datapuwa't (Y)kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan.

19 (Z)At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan,

20 Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya,

21 Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na (AA)ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.

22 Datapuwa't (AB)ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, (AC)kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat,

23 Kaamuan, pagpipigil; (AD)laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan.

24 At (AE)ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang mga masasamang pita at mga kahalayan nito.

25 (AF)Kung tayo'y nangabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, ay mangagsilakad naman tayo ayon sa Espiritu.

26 Huwag tayong maging mga palalo, (AG)na tayo-tayo'y nangagmumungkahian sa isa't isa, nangagiinggitan sa isa't isa.