Add parallel Print Page Options

Wawasakin ng Diyos ang Moab

15 Ito(A) ang pahayag tungkol sa Moab:

Noong gabing gibain ang Ar,
    gumuho na ang Moab,
noong gabing wasakin ang Kir,
    bumagsak na ang Moab.
Umahon sa mga templo ang mga taga-Dibon,[a]
    upang sa mga burol sila ay manangis;
iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Bawat isa sa kanila'y nagpakalbo
    at nag-ahit ng balbas dahil sa pagdadalamhati.
Lahat ay nagluluksa sa mga lansangan,
    nanaghoy sila sa mga bubungan ng bahay
    at sa mga liwasang-bayan.
Nananaghoy ang Hesbon at ang Eleale,
    dinig hanggang Jahaz ang kanilang iyakan,
nasisindak pati mga mandirigma ng Moab,
    silang mga kawal, ngayo'y naduduwag.
Nahahabag ako sa Moab,
    nagsisitakas ang kanyang mamamayan
    patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglat-selisiya.
Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit,
humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim,
    dahil sa kapahamakang kanilang sinapit.
Natuyo ang mga batis ng Nimrim,
natuyo ang mga damo, natigang ang mga kaparangan,
    walang natirang sariwang halaman.
Kaya itinawid nila sa kabila ng Batis Herabim
    ang lahat nilang kayamanan at ari-arian.
Laganap sa buong Moab ang iyakan,
abot sa Eglaim ang hagulgulan,
    dinig na dinig hanggang sa Beer-elim.
Pumula sa dugo ang mga batis ng Dibon;
    ngunit may iba pang sakunang inihanda ko para sa kanya:
Papatayin ng leon ang lahat ng matitira sa Moab.

16 Mula sa Lunsod ng Sela sa disyerto,
nagpadala ang mga taga-Moab ng mga batang tupa
    bilang regalo sa namamahala sa Jerusalem.
Naghihintay sila sa baybayin ng batis ng Arnon,
    pabalik-balik sa paglalakad na parang mga ibong nabulabog sa kanilang pugad.
Sasabihin nila sa mga taga-Juda:
“Sabihin ninyo sa amin ang aming gagawin;
    at bigyan ng katarungan;
takpan ninyo kami, tulad ng lilim ng punongkahoy
    kapag katanghaliang-tapat,
papagpahingahin ninyo kami
    sa ilalim ng inyong mayayabong na sanga.
Itago ninyo kami sa mga humahabol sa amin;
    kami'y mga takas, huwag ninyo kaming ibigay sa kanila.
Patirahin ninyo kami sa inyong bayan,
    kaming mga pinalayas sa Moab.
Ingatan ninyo kami
    sa nagnanais na pumatay sa amin.”

At lilipas ang pag-uusig,
    mawawala ang mamumuksa,
at aalis ang nananalanta sa lupain.
At dahil sa wagas na pag-ibig, itatatag ang isang trono,
    at uupo doon ang isang hahatol nang tapat;
    magmumula siya sa angkan ni David,
isang tagapamahalang makatarungan,
    at mabilis sa paggawa ng matuwid.

Sasabihin ng mga taga-Juda:
“Nabalitaan namin ang kataasan ng mga taga-Moab,
ang kanilang kasinungalingan at pandaraya,
    ngunit walang saysay ang kanilang kayabangan.”
Kaya tatangisan ng mga taga-Moab ang kanilang lunsod,
    sama-sama silang mananaghoy
dahil sa kanilang paghihirap,
    sa tuwing maaalala nila ang masasarap na pagkain sa Kir-Hareset.
Sisirain ang mga bukiring malapit sa Hesbon,
    at ang mga ubasan sa Sibma,
na pinagkukunan ng alak ng mga pinuno ng mga bansa.
Ubasang abot sa Jazer
    hanggang sa disyerto,
at lampas pa hanggang sa kabila ng dagat.
Kaya tatangisan kong kasama ng Jazer
    ang mga ubasan ng Sibma.
Didiligin ko ng luha ang Hesbon at Eleale
sapagkat wala silang aanihin upang magsaya ang bayan.
10 Maglalaho ang tuwa at kagalakan
    sa kanyang masaganang bukirin.
Titigil ang kasayahan at awitan sa kanyang ubasan.
Wala nang alak na dadaloy sa kanyang pisaan
    at tuluyang matatahimik ang masayang hiyawan.
11 Kaya parang malungkot na himig ng alpa ang aking pagdadalamhati sa sinapit ng Moab.
    Nagdurugo ang puso ko sa sinapit ng Kir-heres.
12 Umahon man ang mga taga-Moab
    sa kanilang mga altar sa mga sagradong burol,
    at magpagod man sila ng pagsamba sa kanilang mga santuwaryo,
wala ring kabuluhan ang kanilang panalangin.

13 Ito ang sabi ni Yahweh noong una tungkol sa Moab. 14 Ngunit ito naman ang sinasabi niya ngayon: “Tatlong taon mula ngayon, malilimas ang malaking kayamanan ng Moab. Sa marami niyang tauhan ay ilan lamang ang matitira at mahihina pa.”

Footnotes

  1. Isaias 15:2 mga taga-Dibon: Sa ibang manuskrito'y mga tao at ang Dibon .

Paparusahan ng Diyos ang Moab

10 Iingatan(A) ni Yahweh ang Bundok ng Zion,
ngunit ang Moab ay tatapakan;
    gaya ng dayaming tinatapak-tapakan sa tambakan ng basura.
11 Sisikapin ng mga taga-Moab na igalaw ang kanilang mga kamay na parang lumalangoy sa tubig.
    Ngunit sila'y bibiguin ng Diyos hanggang sa sila'y lumubog.
12 Ang matataas niyang pader ay iguguho ni Yahweh,
    at dudurugin hanggang maging alabok.

Read full chapter

Ang Pagwasak sa Moab

48 Tungkol(A) sa Moab, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel:

“Kahabag-habag ang Nebo, sapagkat ito'y ganap na mawawasak.
Nalupig ang Kiryataim, nawasak ang kanyang pader,
    at nalagay sa kahihiyan ang mga mamamayan.
Wala na ang katanyagan ng Moab;
    ang Hesbon ay nasakop na ng kaaway.
Sinabi pa nila,
    ‘Halikayo, wasakin natin ang Moab hanggang hindi na ito matawag na isang bansa!’
At kayong nakatira sa Dibon, kayo'y patatahimikin;
    hahabulin ng tabak ang inyong mamamayan.
Dinggin ninyo ang pagtangis sa Horonaim;
    dahil sa karahasan at pagkawasak.

“Wasak na ang Moab.
    Iyakan ng mga bata ang siyang maririnig.
Sa pag-akyat sa Luhit,
    mapait na tumatangis ang mga mamamayan;
    pagbaba sa Horonaim,
    naririnig ang paghiyaw ng ‘Kapahamakan!’
Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong buhay,
    gaya ng mailap na asno sa disyerto.

“Mga taga-Moab, dahil nagtiwala kayo sa inyong lakas at kayamanan,
    kayo'y malulupig din;
at dadalhing-bihag ang diyus-diyosan ninyong si Quemos,
    pati ang kanyang mga pari at mga lingkod.
Papasukin ng tagawasak ang bawat lunsod;
    at walang makakatakas.
Mawawasak ang kapatagan at ang libis ay guguho.
Lagyan ninyo ng puntod ang Moab,
    sapagkat tiyak ang kanyang pagbagsak;
mawawasak ang kanyang mga lunsod,
    at wala nang maninirahan doon.”
10 Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh!
    Sumpain siya na ayaw gumamit ng kanyang tabak sa pagpatay.

Nawasak ang mga Lunsod ng Moab

11 “Namuhay na panatag ang Moab mula sa kanyang kabataan,” sabi ni Yahweh. “Siya'y gaya ng alak na hindi nagagalaw ang latak. Hindi siya isinasalin sa ibang sisidlan; hindi pa siya nadadalang-bihag. Kaya hindi pa nagbabago ang kanyang lasa, at ang kanyang amoy ay hindi pa nawawala.

12 “Kaya, tiyak na darating ang panahon na magsusugo ako ng mga lalaking magtutumba sa mga sisidlan; itatapon nila ang laman nito, at saka babasagin hanggang sa madurog. 13 At ikakahiya ng mga taga-Moab si Quemos, na kanilang diyus-diyosan, katulad ng Bethel, ang diyus-diyosang ikinahiya ng Israel matapos niyang pagtiwalaan.

14 “Kayong mga lalaki sa Moab, paano ninyo masasabing kayo'y mga bayani,
    at mga matatapang na mandirigma?
15 Dumating na ang wawasak sa Moab at sa kanyang mga lunsod,
    at ang magigiting niyang kabataan ay masasawi.”
Ito ang pahayag ng Hari na ang pangalan ay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
16 “Nalalapit na ang pagbagsak ng Moab,
    mabilis na dumarating ang kanyang pagkawasak.
17 Magdalamhati kayo dahil sa kanya, mga karatig-bayan,
    at kayong lahat na nakakakilala sa kanya;
sabihin ninyo, ‘Nabali ang matibay na setro,
    ang setro ng karangalan at kapangyarihan.’
18 Kayong mga taga-Dibon, bumabâ kayo mula sa inyong kataasan
    at maupo kayo sa tigang na lupa,
sapagkat dumating na ang wawasak sa Moab
    at iniwang wasak ang inyong mga tanggulan.
19 Kayong naninirahan sa Aroer,
    tumayo kayo sa tabing-daan at magmasid,
    tanungin ninyo ang mga lalaking tumatakbo, ang babaing tumatakas,
    ‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay napahiya at nanlupaypay;
    humiyaw kayo at tumangis,
ipahayag ninyo hanggang sa Ilog Arnon na winasak na ang Moab!

21 “At ang hatol ay dumating na sa mga lunsod sa mataas na kapatagan: sa Holon, sa Jaza, sa Mefaat, 22 sa Dibon, sa Nebo, sa Beth-diblataim, 23 sa Kiryataim, sa Bethgamul, sa Bethmeon, 24 sa Keriot, sa Bozra at sa lahat ng lunsod ng Moab, malayo man o malapit. 25 Bagsak na ang kapangyarihan ng Moab at siya'y mahina na ngayon, sabi ni Yahweh.”

Mapapahiya ang Moab

26 “Lasingin ninyo ang Moab,” sabi ni Yahweh, “sapagkat naghimagsik siya laban sa akin. Bayaan ninyong siya'y gumulong sa sariling suka, at maging tampulan ng katatawanan. 27 Hindi ba't pinagtawanan mo ang Israel? Itinuring mo sila na parang nahuling kasama ng mga magnanakaw at napapailing ka tuwing siya'y babanggitin mo.

28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at doon kayo manirahan sa kabatuhan, kayong taga-Moab! Tumulad kayo sa kalapating nagpupugad sa gilid ng bangin. 29 Nabalitaan na namin ang kapalaluan ng Moab. Napakayabang niya: mapangmata, palalo, hambog at mapagmataas. 30 Akong si Yahweh ay hindi mapaglilihiman ng kanyang kataasan; pawang kabulaanan ang kanyang sinasabi at ginagawa. 31 Kaya nga, tatangisan ko ang Moab; iiyakan ko ang lahat ng taga-Moab; magdadalamhati ako para sa mga taga-Kir-heres. 32 Tinangisan kita, O baging ng Sibma, nang higit sa pagtangis ko para sa Jazer. Ang mga sanga mo'y lumampas sa dagat, at umabot hanggang sa Jazer; dumaluhong ang maninira sa iyong mga bungangkahoy at ubasan nang panahon ng tag-araw. 33 Napawi na ang kagalakan at kasayahan sa mabungang lupain ng Moab. Pinahinto ko na ang pag-agos ng alak sa pisaan ng alak; wala nang pumipisa rito na may sigawan at katuwaan; ang sigawan ngayon ay hindi na dahil sa kagalakan.

34 “Sumisigaw ang Hesbon at Eleale at ito'y umaabot hanggang sa Jahaz; abot ang kanilang tinig mula sa Zoar hanggang Horonaim at Eglat-selisiya. Sapagkat matutuyo rin pati ang mga tubig sa Nimrim. 35 Papatigilin ko ang pag-aalay sa mga altar sa kaburulan, at ang pagsusunog ng handog sa kanilang mga diyos. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.

36 “Kaya tumatangis ang aking puso dahil sa Moab, gaya ng tunog ng plauta; tumatangis din akong parang plauta dahil sa mga taga-Kir-heres. Wala na ang kayamanang pinagsumikapan nilang ipunin! 37 Inahit ng mga lalaki ang kanilang buhok; gayon din ang kanilang balbas; hiniwaan ang kanilang mga kamay, at nagdamit sila ng damit-panluksa, tanda ng pagdadalamhati. 38 Ang pagtangis ay maririnig mula sa mga bubungan ng bahay sa Moab, at sa malalapad na liwasan niya; sapagkat winasak ko ang Moab, tulad sa isang tapayang wala nang may gusto. 39 Wasak na wasak ang Moab. Sa laki ng kanyang kahihiyan, siya ay naging tampulan ng paghamak at panghihinayang ng lahat ng bansa.”

Hindi Makakatakas ang Moab

40 Ganito ang sabi ni Yahweh: “Darating ang isang bansang simbilis ng agila at lulukuban ng kanyang pakpak ang lupain ng Moab. 41 Sasakupin ang mga bayan, babagsak ang lahat ng pader; at sa araw na iyon, manghihina ang mga kawal ng Moab, gaya ng panghihina ng isang babaing malapit nang manganak. 42 Gayon mawawasak ang Moab, at hindi na siya kikilalaning isang bansa; sapagkat naghimagsik siya laban kay Yahweh. 43 Nakaamba na sa Moab ang kapahamakan, ang hukay, at ang bitag. 44 Pagtakbo ng isang tao palayo sa kapahamakan, mahuhulog siya sa hukay; kung siya'y umahon mula rito'y mahuhuli naman siya sa bitag. Lahat ng ito'y mangyayari sa Moab pagdating ng taon ng kanilang pagsusulit. Ito ang sinasabi ni Yahweh. 45 Magtatago sa Hesbon ang mga pagod na pagod na pugante; ito ang lunsod na dating pinamahalaan ni Haring Sihon. Subalit lumaganap ang apoy mula sa palasyo; nilamon ang bayan ng Moab at ang kabundukang pinagkukublihan ng mga taong mahilig sa pakikidigma. 46 Kahabag-habag ka, Moab! Wala na ang diyus-diyosan mong si Quemos, at dinalang-bihag ang iyong mga anak.

47 “Gayunman, pagdating ng araw, ibabalik ko sa dati ang kayamanan ng Moab. Ito ang hatol sa kanya,” ang sabi ni Yahweh.

Read full chapter

Ang Pahayag Laban sa Moab

Ito(A) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa Moab: “Sinabi mong ang Juda ay karaniwan lamang, tulad ng ibang bansa. Dahil dito, wawasakin ko ang Beth-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim, ang mga lunsod na ipinagmamalaki mo sa iyong hangganan. 10 Kasama ito ng mga anak ni Ammon na ipapasakop ko sa mga taga-silangan hanggang sa ganap na malimutan ng daigdig. 11 Paparusahan ko rin ang buong Moab. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Read full chapter

Sa Ammon

13 Ganito(A) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Ammon,
    kaya sila'y paparusahan ko.
Sa labis nilang kasakiman sa lupain,
    nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead.
14 Susunugin ko ang mga pader sa Rabba;
    tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
Magsisigawan sila sa panahon ng labanan;
    mag-aalimpuyo ang labanan tulad ng isang bagyo.
15 Mabibihag ang kanilang hari,
    gayundin ang kanyang mga tauhan.”

Read full chapter

Ang Hatol ni Yahweh sa Ammon

49 Tungkol(A) naman sa mga Ammonita, ganito ang sinasabi ni Yahweh: “Wala bang mga anak na lalaki si Israel? Wala ba siyang tagapagmana? Kung gayo'y bakit inagawan ng mga sumasamba kay Milcom si Gad, at nanirahan sila sa mga lunsod nito? Kaya nga, darating ang panahon na maririnig ng mga taga-Rabba ang sigaw ng digmaan. Ang lunsod na ito'y iiwang wasak at susunugin ang mga nayon. At mababalik sa Israel ang lupaing inagaw sa kanya. Ito ang sabi ni Yahweh. Tumangis kayo, mga taga-Hesbon, sapagkat wasak na ang Ai! Umiyak kayo, mga kababaihan ng Rabba! Magsuot kayo ng damit-panluksa at manangis kayo. Magpabalik-balik kayo na hinahampas ang sarili! Sapagkat ang diyus-diyosan ninyong si Milcom ay dadalhing-bihag, kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno. Huwag ninyong ipagyabang ang inyong mga lakas, kayong walang pananalig. Nagtiwala kayo sa inyong mga kayamanan. Ang sabi ninyo, ‘Walang maaaring lumaban sa amin!’ Padadalhan ko kayo ng katatakutan; kayo'y itataboy ng lahat ng nasa palibot ninyo. Bawat isa'y tutugisin, at walang magtitipon sa mga pugante.

“Subalit pagkaraan nito, ibabalik kong muli ang kayamanan ng mga Ammonita,” ang sabi ni Yahweh.

Read full chapter

Ang Hatol Laban sa mga Ammonita

28 “Ezekiel,(A) anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga Ammonita dahil sa paghamak nila sa Israel. Sabihin mong ako si Yahweh. Ganito ang sabihin mo:

Ang tabak ay binunot na upang ipamuksa;
pinakintab ito upang kumislap at gumuhit na parang kidlat.

29 Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga pahayag. Ang tabak ay igigilit sa kanilang lalamunan dahil sa kanilang kasamaan. Ito na ang kanilang wakas, ang pangwakas na parusa sa kanila.

30 “Isuksok muli ang tabak. Ikaw ay paparusahan ko sa bayan mong tinubuan. 31 Ibubuhos ko sa iyo ang galit kong nag-aalab na parang apoy. Ibibigay kita sa mga taong walang pakundangan kung pumatay ng kapwa. 32 Tutupukin ka sa apoy. Ang iyong dugo ay mabubuhos sa sariling bayan at wala nang makagugunita pa sa iyo. Akong si Yahweh ang may pahayag nito.”

Read full chapter

Ang Pahayag Laban sa mga Ammonita

25 Sinabi(A) sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon at magpahayag laban sa kanila. Sabihin mo sa kanila na dinggin ang salita ni Yahweh: Natuwa kayo nang makita ninyong nilapastangan ang aking Templo, nang wasakin ang lupain ng Israel, at pangalatin ang mga taga-Juda. Dahil dito, kayo ay ipapasakop ko sa mga taga-silangan, at sila'y maninirahang kasama ninyo. Sila'y makakahati ninyo sa inyong pagkain at inumin. Ang Rabba ay gagawin kong pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon ay pastulan ng mga tupa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ikaw ay pumalakpak at lumundag sa kagalakan, bilang pagkutya sa Israel. Dahil diyan, paparusahan kita. Pababayaan kong lusubin ka at looban ng ibang bansa. Ikaw ay ganap na mawawasak, anupa't hindi ka na kikilanling isang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Read full chapter

Sa Ammon

13 Ganito(A) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Ammon,
    kaya sila'y paparusahan ko.
Sa labis nilang kasakiman sa lupain,
    nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead.
14 Susunugin ko ang mga pader sa Rabba;
    tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
Magsisigawan sila sa panahon ng labanan;
    mag-aalimpuyo ang labanan tulad ng isang bagyo.
15 Mabibihag ang kanilang hari,
    gayundin ang kanyang mga tauhan.”

Read full chapter