Add parallel Print Page Options

Layunin ng Aklat

Yamang marami ang nagsikap bumuo ng isang maayos na salaysay tungkol sa mga naganap sa ating kalagitnaan, ayon sa inilahad sa atin ng mga taong noon pa mang simula ay mga saksi na at mga lingkod ng salita; at, matapos ang aking masusing pagsisiyasat sa lahat buhat sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo, upang maunawaan mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo

Noong si Herodes pa ang hari ng Judea, may isang pari mula sa pangkat ni Abias na ang pangalan ay Zacarias. Ang asawa niyang si Elizabeth ay mula sa angkan ni Aaron. Kapwa sila matuwid sa paningin ng Diyos, nabubuhay na walang kapintasan sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon. Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na. Isang araw, ginagampanan ni Zacarias ang kanyang tungkulin bilang pari noong manungkulan ang kanyang pangkat, nabunot ang kanyang pangalan ayon sa kaugalian ng mga pari, upang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso. 10 Sa oras ng paghahandog ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. 11 Bigla na lamang nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa kanan ng dambana ng insenso. 12 Matinding takot ang naramdaman ni Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Ngunit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias. Sapagkat dininig na ang iyong panalangin. Magdadalang-tao ang asawa mong si Elizabeth at bibigyan ka niya ng anak na lalaki at tatawagin mo ito sa pangalang Juan. 14 Matutuwa ka at magagalak, at marami ring matutuwa sa kanyang pagsilang. 15 Sapagkat siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon. Hinding-hindi siya iinom ng alak o ng inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Banal na Espiritu. 16 Marami sa mga anak ni Israel ang aakayin niyang magbalik-loob sa Panginoon nilang Diyos. 17 Mauuna siya sa lalakaran ng Panginoon taglay ang espiritu at kapangyarihang gaya ng kay Elias, upang pagkasunduin ang mga puso ng mga ama sa kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng matutuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan para sa Panginoon.” 18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko ito matitiyak? Matanda na ako, gayundin ang aking asawa.” 19 At sinabi sa kanya ng anghel, “Ako si Gabriel, na isang lingkod ng Diyos, ay isinugo upang magsabi sa iyo at maghatid ng mga Magandang Balitang ito. 20 Subalit dahil hindi mo pinaniwalaan ang mga sinabi ko na mangyayari sa takdang panahon, magiging pipi ka at hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.” 21 Samantala, ang mga taong naghihintay kay Zacarias ay nagtaka kung bakit siya'y nagtatagal sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya ay hindi na siya makapagsalita. Napagtanto nilang siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo. Sumesenyas lamang siya sa kanila at nanatiling pipi. 23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi siya sa kanyang bahay. 24 Pagkalipas ng mga araw na iyon ay naglihi ang kanyang asawang si Elizabeth. Limang buwan itong hindi nagpakita sa iba. Sinabi ni Elizabeth, 25 “Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang mga araw na ako'y kanyang pansinin upang alisin ang dahilan ng pang-aalipusta ng mga tao sa akin.”

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea na kung tawagin ay Nazareth. 27 Isinugo(A) siya sa isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaking mula sa angkan ni David na ang pangalan ay Jose. Maria ang pangalan ng birhen. 28 Lumapit sa kanya ang anghel, at sinabi nito, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.”[a] 29 Subalit lubha niyang ikinalito ang sinabing iyon at inisip niya kung ano ang kahulugan ng pagbating iyon. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalugdan ka ng Diyos. 31 Kaya, magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus. 32 Siya'y (B) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. 33 Maghahari siya magpakailanman sa sambahayan ni Jacob at ang paghahari niya ay walang katapusan.” 34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paano mangyayari ito gayong wala pa akong nakatalik na lalaki?” 35 Sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Banal na Espiritu at lilimliman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang isisilang ay banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Dapat mong malaman na ang kamag-anak mong si Elizabeth ay naglilihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Siya na dating tinatawag na baog ay anim na buwan nang buntis. 37 Sapagkat (C) sa Diyos ay walang imposible.” 38 At sinabi ni Maria, “Narito ako na lingkod ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel.

Dinalaw ni Maria si Elizabeth

39 Hindi nagtagal at naghanda si Maria at nagmadaling pumunta sa isang maburol na lupain sa bayan ng Judea. 40 Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumipa ang sanggol sa kanyang sinapupunan at si Elizabeth ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42 Sumigaw siya nang malakas, at sinabi niya, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin naman ang bunga ng iyong sinapupunan! 43 Ano ang nangyari at ako ay dinalaw ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay sumipa sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.”

Umawit ng Papuri si Maria

46 Sinabi (D) ni Maria,

47 “Ang aking kaluluwa'y Panginoon ang dinadakila,
    at sa aking Diyos na Tagapagligtas, espiritu ko'y labis ang tuwa.
48 Sapagkat (E) nilingap ang kanyang hamak na alipin.
    At mula ngayo'y tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa akin
    at banal ang pangalan niyang angkin.
50 Kanyang pagkahabag, lahat ng salinlahi ang abot
    sa lahat ng sa kanya tunay na may takot.
51 Siya'y nagpakita ng lakas ng kanyang mga bisig;
    pinagwatak-watak niya ang mga palalò sa mga haka ng kanilang puso at isip.
52 Ang (F) mga makapangyarihan mula sa trono'y kanyang ibinagsak,
    at ang mga nasa abang kalagayan, kanya namang iniangat.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
    at ang mayayaman ay kanyang pinaalis na walang dalang baon.
54 Ang Israel na lingkod niya'y kanyang tinulungan,
    bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Ito'y (G) bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
    kay Abraham at sa kanyang salinlahi magpakailanman.”

56 Nanatiling kasama ni Elizabeth si Maria nang may tatlong buwan bago ito umuwi sa kanyang tahanan.

Isinilang si Juan na Tagapagbautismo

57 Sumapit na ang kabuwanan ni Elizabeth at isinilang niya ang isang lalaki. 58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ng dakilang awa sa kanya ang Panginoon at sila'y nakigalak sa kanya. 59 Pagsapit (H) ng ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Papangalanan sana nila ng Zacarias ang sanggol tulad ng pangalan ng kanyang ama. 60 Ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi. Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 “Wala kang kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[b] 63 Humingi siya ng isang masusulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat. 64 Noon di'y nabuksan ang kanyang bibig at nakalagan ang kanyang dila. Siya'y nagsimulang magsabi ng pagpupuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng naninirahan sa kanilang paligid, at pinag-usapan ang mga ito sa buong maburol na lupain ng Judea. 66 Lahat ng mga nakarinig nito ay nag-isip, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang kamay ng Panginoon.

Ang Propesiya ni Zacarias

67 Napuspos ng Banal na Espiritu si Zacarias na ama ng bata, at nagpahayag ng propesiyang ito,

68 “Ang Diyos ng Israel dapat na papurihan,
    sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 itinaas niya ang isang sungay ng kaligtasan para sa atin
    mula sa sambahayan ni David na kanyang alipin,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noon pa man,
71 na tayo'y ililigtas niya mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin
72 upang ang habag sa ating mga ninuno ay ipakita
    at ang kanyang banal na tipan ay maalala,
73 ang pangakong ibinigay niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong mga iniligtas sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
    sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At (I) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
    sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang ipaalam ang kaligtasan sa kanyang bayan,
    sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
sisilay[c] sa atin ang bukang-liwayway,
79     upang (J) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”

80 Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na siya'y magpakita sa Israel.

Footnotes

  1. Lucas 1:28 Sa ibang mga kasulatan ay may dagdag na Pinagpala ka sa lahat ng mga babae.
  2. Lucas 1:62 Sa Griyego, ay kanya.
  3. Lucas 1:78 Sa ibang mga kasulatan ay dumalaw.

Yamang marami ang nagpilit mag-ayos ng isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin,

Alinsunod sa ipinatalos sa atin nilang buhat sa (A)pasimula ay (B)mga saksing nangakakakita at mga (C)ministro ng salita,

Ay minagaling ko naman, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una, na isulat sa iyong sunodsunod, (D)kagalanggalang na (E)Teofilo;

Upang mapagkilala mo ang katunayan (F)tungkol sa mga bagay na itinuro sa iyo.

Nagkaroon (G)nang mga araw ni Herodes, hari sa Judea, ng isang saserdoteng ang ngala'y Zacarias, (H)sa pulutong ni Abias: at ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron, at ang kaniyang ngala'y Elisabet.

At sila'y kapuwa (I)matuwid sa harap ng Dios, na nagsisilakad na walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga palatuntunan ng Panginoon.

At wala silang anak, sapagka't baog si Elisabet, at sila'y kapuwa may pataw ng maraming taon.

Nangyari nga, na samantalang ginaganap niya ang pagkasaserdote sa harapan ng Dios (J)ayon sa kapanahunan ng kaniyang pulutong,

Alinsunod sa kaugalian ng tungkuling pagkasaserdote, ay naging palad niya ang pumasok sa templo ng Panginoon at (K)magsunog ng kamangyan.

10 At ang buong karamihan (L)ng mga tao ay nagsisipanalangin (M)sa labas sa oras ng kamangyan.

11 At napakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon, na nakatayo sa dakong kanan (N)ng dambana ng kamangyan.

12 At nagulumihanan si Zacarias, pagkakita niya sa kaniya, (O)at dinatnan siya ng takot.

13 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Zacarias: sapagka't dininig ang daing mo, at ang asawa mong si Elisabet ay manganganak sa iyo ng isang anak na lalake, at (P)tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan.

14 At magkakaroon ka ng ligaya at galak; at (Q)marami ang maliligaya sa pagkapanganak sa kaniya.

15 Sapagka't siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y (R)hindi iinom ng alak ni matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.

16 At marami sa mga anak ni Israel, ay papagbabaliking-loob niya sa Panginoon na kanilang Dios.

17 (S)At siya'y lalakad sa unahan ng kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, (T)upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matuwid, (U)upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda.

18 At sinabi ni Zacarias sa anghel, (V)Sa ano malalaman ko ito? sapagka't ako'y matanda na, at ang aking asawa ay may pataw ng maraming taon.

19 At pagsagot ng anghel ay sinabi sa kaniya, (W)Ako'y si Gabriel, na nananayo sa harapan ng Dios; at ako'y sinugo upang makipagusap sa iyo, at magdala sa iyo nitong mabubuting balita.

20 At narito, mapipipi ka at hindi ka makapangungusap, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagka't hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na magaganap sa kanilang kapanahunan.

21 At hinihintay ng bayan si Zacarias, at nanganggigilalas sila sa kaniyang pagluluwat sa loob ng templo.

22 At nang lumabas siya, ay hindi siya makapagsalita sa kanila: at hininagap nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo: at siya'y nagpatuloy ng (X)pakikipagusap sa kanila, sa pamamagitan ng mga hudyat, at nanatiling pipi.

23 At nangyari, na nang maganap na ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kaniyang bahay.

24 At pagkatapos ng mga araw na ito ay naglihi ang kaniyang asawang si Elisabet; at siya'y lumigpit ng limang buwan, na nagsasabi,

25 Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw nang ako'y tingnan niya, (Y)upang alisin ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao.

26 Nang ikaanim na buwan nga'y sinugo ng Dios ang anghel (Z)Gabriel sa isang bayan ng Galilea, ngala'y Nazaret,

27 Sa isang dalagang (AA)magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala'y Jose, (AB)sa angkan ni David; at Maria ang pangalan ng dalaga.

28 At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, (AC)ang Panginoon ay sumasa iyo.

29 Datapuwa't siya'y totoong (AD)nagulumihanan sa sabing ito, at iniisip sa kaniyang sarili kung anong bati kaya ito.

30 At sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka't nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.

31 At narito, maglilihi ka (AE)sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS.

32 Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng (AF)Kataastaasan: at (AG)sa kaniya'y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama:

33 At siya'y maghahari sa angkan (AH)ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian.

34 At sinabi ni Maria sa anghel, Paanong mangyayari ito, sa ako'y hindi nakakakilala ng lalake?

35 At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo (AI)ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng (AJ)Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging (AK)Anak ng Dios.

36 At narito, si Elisabet na iyong (AL)kamaganak, ay naglihi rin naman ng isang anak na lalake sa kaniyang katandaan; at ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog.

37 Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.

38 At sinabi ni Maria, Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel.

39 At nang mga araw na ito'y nagtindig si Maria, at nagmadaling napasa (AM)lupaing maburol, sa isang bayan ng Juda;

40 At pumasok sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet.

41 At nangyari, pagkarinig ni Elisabet ng bati ni Maria, ay lumukso ang sanggol sa kaniyang tiyan; at (AN)napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo;

42 At sumigaw siya ng malakas na tinig, at sinabi, (AO)Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong tiyan.

43 At ano't nangyari sa akin, na ang ina ng (AP)aking Panginoon ay pumarito sa akin?

44 Sapagka't ganito, pagdating sa aking mga pakinig ng tinig ng iyong bati, lumukso sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan.

45 At (AQ)mapalad ang babaing sumampalataya; sapagka't matutupad ang mga bagay na sa kaniya'y sinabi ng Panginoon.

46 At sinabi ni Maria,

(AR)Dinadakila ng aking kaluluwa (AS)ang Panginoon,
47 At nagalak ang aking espiritu sa (AT)Dios na aking Tagapagligtas.
48 Sapagka't (AU)nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin.
Sapagka't, narito, mula ngayon ay tatawagin akong (AV)mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi.
49 Sapagka't (AW)ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay;
At (AX)banal ang kaniyang pangalan.
50 At ang (AY)kaniyang awa ay sa mga lahi't lahi.
Sa nangatatakot sa kaniya.
51 Siya'y nagpakita ng lakas (AZ)ng kaniyang bisig;
(BA)Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso.
52 Ibinaba niya ang mga prinsipe (BB)sa mga luklukan nila,
At itinaas ang mga may mababang kalagayan.
53 (BC)Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay;
At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman.
54 Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin,
(BD)Upang maalaala niya ang awa
55 (Gaya ng sinabi niya (BE)sa ating mga magulang)
Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man.

56 At si Maria ay natirang kasama niya na may tatlong buwan, at umuwi sa kaniyang bahay.

57 Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya'y nanganak ng isang lalake.

58 At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at (BF)mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at (BG)sila'y nangakigalak sa kaniya.

59 At nangyari, na (BH)nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama.

60 At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, (BI)Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya'y Juan.

61 At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito.

62 At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag.

63 At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat.

64 At pagdaka'y (BJ)nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila'y nakalag, at siya'y nagsalita, na pinupuri ang Dios.

65 At sinidlan ng (BK)takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat (BL)ng lupaing maburol ng Judea.

66 At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka't (BM)ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya.

67 At si Zacarias na kaniyang ama ay (BN)napuspos ng Espiritu Santo, at nanghula, na nagsasabi,

68 Purihin ang (BO)Panginoon, ang Dios ng Israel;
Sapagka't (BP)kaniyang dinalaw at tinubos ang kaniyang bayan,
69 At nagtaas sa atin (BQ)ng isang sungay ng kaligtasan
Sa bahay ni David na kaniyang alipin
70 (Gaya ng sinabi niya (BR)sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta na nagsilitaw (BS)buhat nang unang panahon),
71 Kaligtasang mula sa ating mga kaaway, at sa kamay ng lahat ng nangapopoot sa atin;
72 (BT)Upang magkaawang-gawa sa ating mga magulang,
At (BU)alalahanin ang kaniyang banal na tipan;
73 Ang sumpa (BV)na isinumpa niya kay Abraham na ating ama,
74 Na ipagkaloob sa atin na yamang nangaligtas sa kamay ng ating mga kaaway,
Ay paglingkuran natin siya ng walang takot,
75 Sa kabanalan (BW)at katuwiran sa harapan niya, lahat ng ating mga araw.
76 Oo at ikaw, sanggol, tatawagin kang (BX)propeta ng (BY)kataastaasan;
Sapagka't (BZ)magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan;
77 Upang (CA)maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan,
Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan,
78 Dahil sa magiliw na habag ng aming Dios,
Ang pagbubukang liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin,
79 (CB)Upang liwanagan (CC)ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan;
Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng (CD)kapayapaan.

80 At lumaki (CE)ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at (CF)nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.