Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga ng Sampung Gintong Salapi(A)

11 Habang pinakikinggan nila ang mga ito, isinalaysay pa ni Jesus ang isang talinghaga, sapagkat malapit na siya sa Jerusalem at inaakala nilang ang paghahari ng Diyos ay kaagad mahahayag. 12 Kaya sinabi niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa malayong lugar upang maging hari, at pagkatapos ay bumalik. 13 Bago umalis, tinawag niya ang sampu niyang alipin, binigyan ang mga ito ng gintong salapi[a] at sinabi sa kanila, ‘Gamitin ninyo ito sa negosyo hanggang sa aking pagbabalik.’ 14 Ngunit kinapootan naman siya ng mga mamamayan at nagsugo ang mga ito ng kinatawan na nagsabing, ‘Ayaw naming maging hari ang taong ito.’ 15 At nang sumapit ang kanyang pagbabalik pagkatapos niyang maging hari, pinatawag niya ang kanyang mga aliping binigyan niya ng salapi upang alamin kung ano ang tinubo nila sa pangangalakal. 16 At lumapit ang una na nagsabi, ‘Panginoon, ang inyong gintong salapi ay tumubo ng sampu.’ 17 Kaya sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin! Sapagkat naging tapat ka sa kaunti, mamahala ka sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Panginoon, tumubo ng lima ang inyong gintong salapi.’ 19 At sinabi rin niya rito, ‘Ikaw naman, mamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi na aking ibinalot sa panyo. 21 Sapagkat natakot po ako sa inyo dahil kayo ay isang taong mahigpit. Kinukuha ninyo ang hindi ninyo itinabi, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’ 22 Sumagot ang hari, ‘Masamang alipin! Sa iyong bibig na rin nanggaling ang aking hatol sa iyo. Alam mo na palang ako ay mahigpit, na kinukuha ko ang hindi ko itinabi at inaani ko ang hindi ko itinanim, 23 bakit hindi mo man lang inilagay sa bangko ang salapi? Nang sa gayon, sa aking pagbabalik ay kumita man lang ako sa tubo nito.’ 24 At sinabi niya sa mga nakatayo roon, ‘Kunin ninyo sa taong ito ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, mayroon na po siyang sampu.’ 26 ‘Sinasabi ko sa inyo, bibigyan pa ang sinumang mayroon na, ngunit ang wala, kahit ang nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa aking mga kaaway na ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sila sa aking harapan.’ ”

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 19:13 Sa Griyego, mina, ang katumbas ay humigit-kumulang sa tatlong buwang sahod ng isang karaniwang manggagawa.

11 At samantalang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito, ay dinugtungan niya at sinalita ang isang talinghaga, sapagka't siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagka't (A)kanilang inakala na pagdaka'y mahahayag ang kaharian ng Dios.

12 Sinabi nga niya, (B)Isang mahal na tao ay naparoon sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian na ukol sa kaniyang sarili, at magbalik.

13 At tinawag niya ang sangpu sa kaniyang mga alipin at binigyan sila ng sangpung mina, at sinabi sa kanila, Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.

14 Datapuwa't kinapopootan siya ng kaniyang mga mamamayan, at ipinahabol siya sa isang sugo, na nagsasabi, Ayaw kami na ang taong ito'y maghari pa sa amin.

15 At nangyari, na nang siya'y muling magbalik, nang matanggap na ang kaharian, ay ipinatawag niya sa kaniyang harapan ang mga aliping yaon, na binigyan niya (C)ng salapi, upang maalaman niya kung gaano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.

16 At dumating sa harapan niya ang una, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng sangpung mina pa.

17 At sinabi niya sa kaniya, Mabuting gawa, ikaw na mabuting alipin: sapagka't nagtapat ka (D)sa kakaunti, magkaroon ka ng kapamahalaan sa sangpung bayan.

18 At dumating ang ikalawa, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng limang mina.

19 At sinabi niya sa kaniya, Magkaroon ka naman ng kapamahalaan sa limang bayan.

20 At dumating ang iba pa, na nagsasabi, Panginoon, narito ang iyong mina, na aking itinago sa isang panyo:

21 Dahil sa ako'y natakot sa iyo, sapagka't ikaw ay taong mabagsik kinukuha mo ang hindi mo inilagay, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.

22 Sinabi niya sa kaniya, Sa sariling bibig mo kita hinahatulan ikaw na masamang alipin. Nalalaman mo na ako'y taong mabagsik, na kumukuha ng hindi ko inilagay, at gumagapas ng hindi ko inihasik;

23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang salapi ko sa bangko, at nang sa aking pagbalik ay mahingi ko yaon pati ng tinubo?

24 At sinabi niya sa mga nahaharap, Alisin ninyo sa kaniya ang mina, at ibigay ninyo sa may sangpung mina.

25 At sinabi nila sa kaniya, Panginoon, siya'y mayroong sangpung mina.

26 Sinasabi ko sa inyo, (E)na bibigyan ang bawa't mayroon; datapuwa't ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.

27 Datapuwa't itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito, at patayin ninyo sila sa harapan ko.

Read full chapter