Add parallel Print Page Options

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(A)

Minsang pumasok si Jesus sa sinagoga, naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado[a] ang isang kamay. Ilan sa mga naroon ang naghahanap ng maipaparatang laban kay Jesus.[b] Nagbantay silang mabuti at tiningnan kung kanyang pagagalingin ang lalaki[c] sa araw ng Sabbath. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” Tinanong ni Jesus ang mga naroroon, “Alin ba ang ipinahihintulot kung araw ng Sabbath: ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama; ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?” Hindi makasagot ang mga naroon. Galit na tumingin sa kanila si Jesus at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay, at ito'y gumaling. Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes kung paano papatayin si Jesus.

Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa

Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagtungo sa lawa. Sumunod sa kanila ang napakaraming tao mula sa Galilea. Nang mabalitaan ang lahat ng ginagawa niya, nagdatingan ang napakaraming tao mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Nagpahanda (B) si Jesus ng isang bangkang magagamit upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Dahil marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit para lang mahawakan siya. 11 At tuwing makikita siya ng maruruming espiritu, nagpapatirapa ang mga ito sa kanyang harapan at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit silang pinagbawalan ni Jesus na sabihin kung sino siya.

Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawa(C)

13 Umakyat si Jesus sa bundok, tinawag niya ang kanyang mga pinili, at lumapit ang mga ito sa kanya. 14 Humirang siya ng labindalawa [na tinawag din niyang mga apostol][d] upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral, 15 at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon na pinangalanan niyang Pedro; 17 si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo na binansagan niyang Boanerges, ibig sabihi'y mga Anak ng Kulog; 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo; 19 at si Judas Iscariote na nagkanulo sa kanya.

Si Jesus at si Beelzebul(D)

20 Pagtuloy ni Jesus sa isang bahay, muling nagtipon ang maraming tao kaya't hindi na nila makuhang kumain. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, pumunta sila upang siya'y sawayin sapagkat sinasabi ng mga tao, “Nawawala na siya sa sarili.” 22 Ang (E) sabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasaniban siya ni Beelzebul. Nagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.” 23 Dahil dito'y pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi ang ilang talinghaga, “Paanong mapalalayas ni Satanas si Satanas? 24 Kung hinahati ng isang kaharian ang sarili, babagsak ang kahariang iyon. 25 At kung hinahati ng isang sambahayan ang sarili, hindi rin mananatili ang sambahayang iyon. 26 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, babagsak siya at darating ang kanyang wakas. 27 Walang maaaring makapasok sa bahay ng malakas na tao upang magnakaw malibang gapusin muna ang taong iyon; kung siya'y nakagapos na, saka pa lamang mananakawan ang kanyang bahay.

28 “Tinitiyak ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng mga anak ng tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin. 29 Ngunit (F) sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapatatawad kailanman; nakagawa siya ng isang kasalanang walang hanggan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinabi nila, “Siya'y sinasaniban ng maruming espiritu.”

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(G)

31 Dumating ang ina at ang mga kapatid ni Jesus. Naroon sila sa labas ng bahay, at ipinatawag si Jesus. 32 Maraming tao ang nakaupo sa palibot ni Jesus. Sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki, hinahanap ka nila.” 33 “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?” tanong ni Jesus. 34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid! 35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Footnotes

  1. Marcos 3:1 Sa Griyego, tuyo.
  2. Marcos 3:2 Sa Griyego, kanya.
  3. Marcos 3:2 Sa Griyego, siya.
  4. Marcos 3:14 Sa ibang mga manuskrito wala ang mga salitang na tinawag din niyang mga apostol.

At siya'y (A)muling pumasok (B)sa sinagoga; at doo'y may isang lalake na tuyo ang kaniyang kamay.

At siya'y inaabangan nila kung pagagalingin siya sa araw ng sabbath; upang siya'y maisakdal nila.

At sinabi sa lalaking tuyo ang kamay, Magtindig ka.

At sinabi niya sa kanila, Katuwiran baga ang gumawa ng magaling sa araw ng sabbath, o ang gumawa ng masama? magligtas ng isang buhay, o pumatay? Datapuwa't sila'y hindi nagsiimik.

At nang siya'y lumingap sa kanila sa palibotlibot na may galit, sapagka't ikinalungkot niya ang katigasan ng kanilang puso, ay sinabi niya sa lalake, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya: at gumaling ang kaniyang kamay.

At nagsilabas ang mga Fariseo, at pagdaka'y nakipagsanggunian sa (C)mga Herodiano laban sa kaniya, kung paanong siya'y maipapupuksa nila.

(D)At si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad ay lumigpit sa dagat: at nagsisunod sa kaniya ang (E)lubhang karamihang taong mula sa Galilea; at mula sa Judea,

At mula sa Jerusalem, at mula sa (F)Idumea, at mula sa dakong ibayo ng Jordan, at sa palibotlibot ng (G)Tiro, at Sidon, na lubhang maraming tao, nang mabalitaan ang lubhang mga dakilang bagay na kaniyang ginagawa, ay nagsiparoon sa kaniya.

At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na ihanda sa kaniya ang isang maliit na daong dahil sa karamihan, baka siya'y kanilang siksikin:

10 Sapagka't siya'y nakapagpagaling sa marami; ano pa't sinisiksik siya ng lahat ng mga nasasalot upang siya'y mahipo nila.

11 At ang mga karumaldumal na espiritu, pagkakita sa kaniya, ay nangagpatirapa sa kaniyang harapan, at nangagsisisigaw, na nangagsasabi, Ikaw ang Anak ng Dios.

12 At ipinagbilin niya sa kanilang mahigpit (H)na siya'y huwag nilang ihayag.

13 At siya'y umahon sa bundok, (I)at tinawag niya ang balang kaniyang maibigan: at nagsilapit sila sa kaniya.

14 At naghalal siya ng labingdalawa, upang sila'y makisama sa kaniya, at upang sila'y suguin niyang magsipangaral,

15 At magkaroon ng kapamahalaang magpalayas ng mga demonio:

16 At (J)si Simon ay kaniyang pinamagatang Pedro;

17 At si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago; at sila'y pinamagatan niyang (K)Boanerges, na sa makatuwid baga'y mga Anak ng kulog:

18 At si Andres, at si Felipe, at si Bartolome, at si Mateo, at si Tomas, at si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Tadeo, at si Simon ang Cananeo,

19 At si Judas Iscariote, na siya ring nagkanulo sa kaniya. At pumasok siya sa isang bahay.

20 At muling nagkatipon ang karamihan, (L)ano pa't sila'y hindi man lamang makakain ng tinapay.

21 At nang mabalitaan yaon (M)ng kaniyang mga kaibigan, ay nagsilabas sila upang siya'y hulihin: (N)sapagka't kanilang sinabi, Sira ang kaniyang bait.

22 At sinabi ng mga eskriba na nagsibaba mula sa Jerusalem, (O)Nasa kaniya si Beelzebub, at, Sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.

23 At sila'y kaniyang pinalapit sa kaniya, at sinabi (P)sa kanila sa mga talinghaga, Paanong mapalalabas ni Satanas si Satanas?

24 At kung ang isang kaharian ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, hindi mangyayaring makapanatili ang kaharian yaon.

25 At kung ang isang bahay ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, ay hindi mangyayaring makapanatili ang bahay na yaon.

26 At kung manghihimagsik si Satanas laban sa kaniyang sarili, at magkabahabahagi, hindi siya makapanananatili, kundi magkakaroon ng isang wakas.

27 Datapuwa't walang makapapasok sa bahay ng malakas na tao, at samsamin ang kaniyang mga pagaari, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo'y masasamsaman ang kaniyang bahay.

28 (Q)Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ipatatawad ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa mga anak ng mga tao, at ang mga kapusungan nila kailan ma't sila'y mangagsasalita ng kapusungan:

29 Datapuwa't sinomang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailan man, kundi may kasalanan ng isang kasalanang walang hanggan:

30 Sapagka't sinabi nila, Siya'y may isang karumaldumal na espiritu.

31 At (R)dumating nga ang kaniyang ina at ang (S)kaniyang mga kapatid; at, palibhasa'y nangakatayo sila sa labas, ay nangagpasugo sila sa kaniya, na siya'y tinatawag.

32 At nangakaupo ang isang karamihan sa palibot niya; at sinabi nila sa kaniya, Narito, nangasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na hinahanap ka.

33 At sinagot niya sila, at sinabi, Sino ang aking ina at aking mga kapatid?

34 At paglingap niya sa nangakaupo sa palibot niya, ay sinabi niya, Narito, ang aking ina at aking mga kapatid!

35 Sapagka't sinomang gumaganap ng kalooban ng Dios, ito'y ang aking kapatid na lalake, at aking kapatid na babae, at ina.