Add parallel Print Page Options

Panlalait sa Banal na Espiritu(A)

22 Pagkatapos ay dinala kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng demonyo. Pinagaling niya ang lalaki kaya't nakapagsalita at nakakita iyon. 23 Namangha ang lahat ng naroroon at nagtanong, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?” 24 Subalit (B) nang ito'y marinig ng mga Fariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas lamang ng mga demonyo ang taong ito sa pamamagitan ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 25 Palibhasa'y alam niya ang mga iniisip nila, kanyang sinabi sa kanila, “Bawat kahariang lumalaban sa kanyang sarili ay babagsak; at walang bayan o sambahayang nagkakahati-hati ang magtatagal. 26 Kung pinapalayas ni Satanas si Satanas, hindi ba't nilalabanan niya ang kanyang sarili? Kung gayo'y paano tatayo ang kanyang kaharian? 27 At kung nakapagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, kanino namang kapangyarihan napapalayas sila ng inyong mga tagasunod? Kaya't sila na mismo ang hahatol sa inyo. 28 Ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, kung gayon, dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. 29 O paano ba mapapasok at mapagnanakawan ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao, kung hindi muna niya ito gagapusin? Kung magkagayon, saka pa lamang niya malolooban ang bahay nito. 30 Ang (C) wala sa panig ko ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay pinagmumulan ng pagkakawatak-watak.

Read full chapter

Si Jesus at si Beelzebul(A)

20 Pagtuloy ni Jesus sa isang bahay, muling nagtipon ang maraming tao kaya't hindi na nila makuhang kumain. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, pumunta sila upang siya'y sawayin sapagkat sinasabi ng mga tao, “Nawawala na siya sa sarili.” 22 Ang (B) sabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasaniban siya ni Beelzebul. Nagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.” 23 Dahil dito'y pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi ang ilang talinghaga, “Paanong mapalalayas ni Satanas si Satanas? 24 Kung hinahati ng isang kaharian ang sarili, babagsak ang kahariang iyon. 25 At kung hinahati ng isang sambahayan ang sarili, hindi rin mananatili ang sambahayang iyon. 26 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, babagsak siya at darating ang kanyang wakas. 27 Walang maaaring makapasok sa bahay ng malakas na tao upang magnakaw malibang gapusin muna ang taong iyon; kung siya'y nakagapos na, saka pa lamang mananakawan ang kanyang bahay.

Read full chapter