Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga ng Ubasan at mga Katiwala(A)

33 “Dinggin (B) ninyo ang isa pang talinghaga: May isang taong pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng ubas sa kanyang bukirin, at binakuran niya ang palibot nito. Naglagay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan. 34 Nang malapit na ang panahon ng pamimitas ng bunga, pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kumuha ng mga bunga para sa kanya. 35 Subalit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin. Binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa. 36 Muli siyang nagpadala ng iba pang mga alipin na mas marami pa sa nauna; subalit ganoon din ang ginawa nila sa kanila. 37 Sa kahuli-hulihan ay pinapunta niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki. Wika niya, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 38 Subalit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya nang makuha natin ang kanyang mana.’ 39 Kaya't siya'y kinuha nila, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay. 40 Kaya't pagdating ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang kanyang gagawin sa mga magsasakang iyon?” 41 Sinabi nila sa kanya, “Papatayin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakila-kilabot na paraan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa mga takdang panahon.” 42 Sinabi (C) ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa mga kasulatan,

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong panulukan;
Ito'y gawa ng Panginoon,
    at kahanga-hangang pagmasdan’?

43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng mga bunga nito.’ 44 [Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”[a]

45 Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, naunawaan nilang tungkol sa kanila ang kanyang mga sinasabi. 46 At nang balak na sana nilang dakpin si Jesus, natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala nila na siya'y isang propeta.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 21:44 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.

Ang Talinghaga ng mga Magsasaka sa Ubasan(A)

At sinimulan niyang isalaysay ang talinghagang ito sa mga taong-bayan: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at siya ay nangibang-bayan nang mahabang panahon. 10 Nang panahon na ng anihan, nagsugo siya ng alipin sa mga katiwala upang mabigyan siya ng parte niya mula sa ubasan. Ngunit binugbog ng mga katiwala ang kanyang sugo at pinauwing walang dala. 11 Muli siyang nagsugo ng isang alipin; ngunit ito man ay binugbog, hinamak, at pinauwing walang dala. 12 Ipinadala niya ang ikatlong sugo, ngunit kahit ito'y kanilang sinugatan at ipinagtabuyan. 13 Kaya't sinabi ng may-ari ng ubasan, ‘Ano ang gagawin ko? Isusugo ko ang aking mahal na anak. Baka naman siya'y igalang na nila.’ 14 Ngunit nang makita na ng mga katiwala ang anak ng may-ari, nag-usap-usap sila, at sinabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 15 At inilabas nila sa ubasan ang anak at doon pinatay. Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan? 16 Pupunta siya doon at papatayin ang mga katiwalang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba.” Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, “Huwag nawang loobin iyan ng Diyos!” 17 Tinitigan sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan nito na nasusulat:

‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo
    ang siyang naging batong-panulukan’?

18 Ang bawat mahulog sa batong ito ay magkakadurug-durog, at dudurugin nito ang sinumang kanyang mabagsakan.” 19 Nang mahalata ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga punong pari na sila ang pinatatamaan ng talinghagang iyon, tinangka nilang dakpin si Jesus, ngunit hindi nila nagawa dahil takót sila sa mga tao.

Read full chapter