Add parallel Print Page Options

Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(A)

18 Habang sinasabi ni Jesus ang mga ito sa kanila, dumating ang isang pinuno at nanikluhod sa kanya. “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan ninyo at ipatong ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.” 19 Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati ang kanyang mga alagad. 20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang pinahihirapan ng pagdurugo, lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. 21 Sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus, at pagkakita sa babae ay sinabi niya, “Patatagin mo ang iyong loob, anak. Pinagaling ka ng iyong pagsampalataya.” Nang oras ding iyon ay gumaling ang babae. 23 Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno at makita ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakagulo, 24 sinabi niya, “Umalis na kayo. Hindi naman patay ang bata kundi natutulog lamang.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya, hinawakan sa kamay ang batang babae at ito'y bumangon. 26 Kumalat ang balita tungkol dito sa buong lupaing iyon.

Read full chapter

Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humipo sa Damit ni Jesus(A)

40 Pagbalik ni Jesus, tinanggap siya ng mga tao sapagkat lahat sila ay naghihintay sa kanya. 41 Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo. Siya ay pinuno ng sinagoga. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nakiusap sa kanyang pumunta sa kanyang bahay 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babaing labindalawang taong gulang ay naghihingalo.

Habang paalis na si Jesus, nagigitgit siya ng mga tao. 43 Isang babae roon ang labindalawang taon nang dinudugo. Nagugol na niya ang lahat ng kanyang kabuhayan sa manggagamot.[a] Hindi na siya kayang pagalingin ninuman. 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. Agad tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umaamin ay sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinisiksik ka ng mga tao at napapalibutan.” 46 Ngunit sinabi pa rin ni Jesus, “May humipo sa akin sapagkat alam kong may lumabas na kapangyarihan sa akin.” 47 Nang makita ng babae na hindi lingid ang kanyang ginawa, nanginginig itong lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Sinabi niya sa harap ng mga taong naroroon kung bakit niya hinawakan si Jesus at kung paanong gumaling siya agad. 48 Kaya sinabi ni Jesus sa babae, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang panatag ang kalooban.” 49 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga at nagsabing, “Patay na ang iyong anak! Huwag mo nang gambalain ang Guro.” 50 Ngunit pagkarinig dito ni Jesus ay sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang mangamba! Sumampalataya ka lang at siya ay gagaling.” 51 Pagkarating niya sa bahay ay hindi niya pinayagan ang sinumang makapasok na kasama niya maliban kina Pedro, Juan at Santiago at ang ama at ina ng bata. 52 Nag-iiyakan ang lahat at nananaghoy. Ngunit sinabi niya, “Huwag kayong umiyak sapagkat hindi siya patay kundi natutulog lang.” 53 Siya'y kanilang pinagtawanan sapagkat alam nilang patay na ang bata. 54 Nang hawakan niya ang kamay nito ay tumawag at nagsabi, “Ineng, bumangon ka!” 55 At bumalik ang espiritu ng bata at bumangon ito agad. Kaya nag-utos si Jesus na pakainin ito. 56 Namangha ang kanyang mga magulang subalit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 8:43 Nagugol na niya ang lahat ng kanyang kabuhayan sa manggagamot: Sa ibang manuskrito ay wala ang talatang ito.