Add parallel Print Page Options

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

70 Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,
    tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak!
2 Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay,
    bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;
iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,
    bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
3 Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,
    sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.

4 Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,
gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,
    at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!”

5 Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina,
    lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;
O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,
    huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!