Add parallel Print Page Options

Sa Iconio

14 Gayundin ang nangyari sa Iconio; sina Pablo at Bernabe ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Napakahusay ng kanilang pangangaral kaya't maraming Judio at Griego ang sumampalataya. Gayunman, may ilang Judiong ayaw sumampalataya. Sinulsulan pa nila ang mga Hentil at nilason ang isip ng mga ito laban sa mga kapatid. Nanatili roon nang matagal sina Pablo at Bernabe, at buong tapang silang nangaral tungkol sa Panginoon. Pinatunayan ng Panginoon na totoo ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Kaya't nahati ang mga tao sa lungsod; may pumanig sa mga Judio at may pumanig din sa mga apostol.

Binalak ng ilang mga Hentil at mga Judio, kasama ng kanilang mga pinuno, na saktan at pagbabatuhin ang mga apostol. Subalit nang malaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas papuntang Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain, at doon sila nangaral ng Magandang Balita.

Sa Listra

Sa Listra ay may isang lalaking hindi nakakalakad dahil lumpo na ito mula pa nang ito'y isilang. Siya'y nakaupong nakikinig sa pangangaral ni Pablo. Nang makita ni Pablo na ang lumpo ay may pananampalatayang siya'y mapapagaling, tinitigan niya ang lumpo 10 at malakas na sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang lumakad.

11 Nang makita ng mga taong-bayan ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at si Pablo nama'y Hermes, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. 13 Nasa bungad ng lungsod ang templo ni Zeus. Ang pari ni Zeus ay nagdala ng mga toro at mga kuwintas na bulaklak sa may pintuan ng lungsod. Nais ng pari at ng mga tao na maghandog sa mga apostol.

14 Nang malaman ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at patakbong pumagitna sa mga tao. Sumigaw sila, 15 “Mga(A) ginoo, huwag ninyong gawin iyan! Mga tao rin kaming tulad ninyo! Ipinapangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran ninyo ang mga walang kabuluhang bagay na iyan, at manumbalik kayo sa Diyos na buháy na lumikha ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroroon. 16 Sa mga panahong nakalipas, hinayaan niyang gawin ng lahat ng bansa anuman ang kani-kanilang maibigan. 17 Gayunman, nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” 18 Sa kabila ng mga pananalitang ito, nahirapan pa rin sina Bernabe at Pablo na pigilan ang mga tao na sila'y alayan ng mga handog.

19 Ngunit may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga taga-Listra laban kay Pablo, kaya't siya'y pinagbabato nila. Pagkatapos, siya ay kinaladkad nila sa labas ng bayan, sa pag-aakalang siya'y patay na, 20 subalit nang dumating ang mga alagad at palibutan siya, tumayo si Pablo at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, nagpunta sila ni Bernabe sa Derbe.

Ang Pagbabalik sa Antioquia

21 Ang Magandang Balita ay ipinangaral nina Pablo at Bernabe sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia ng Pisidia. 22 Pinalakas nila ang loob ng mga alagad at pinayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos,” sabi nila sa mga alagad. 23 Sa bawat iglesya ay nagtalaga sila ng mga matatandang mamumuno, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinagtitiwalaan.

24 Tinahak nila ang Pisidia at nakarating sila sa Pamfilia. 25 Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos at pagkatapos ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila ipinagkatiwala sa pagkalinga ng Diyos para sa gawaing kanilang natapos na.

27 Pagdating sa Antioquia tinipon nila ang mga kaanib sa iglesya at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong nagbukas siya ng pagkakataon sa mga Hentil upang ang mga ito'y sumampalataya rin. 28 At matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad.

Sa Iconio

14 Ganoon din ang nangyari sa Iconio. Magkasamang pumasok sina Pablo at Bernabe sa sinagoga ng mga Judio. Nangaral sila roon at marami sa mga Judio at Griyego ang sumampalataya. Ngunit ang mga Hentil ay inudyukan ng mga Judiong ayaw sumampalataya, at nilason ang kanilang mga pag-iisip laban sa mga kapatid. Dahil dito'y matagal na nanatili roon sina Pablo at Bernabe at buong tapang na nangaral para sa Panginoon. Pinatunayan naman ng Panginoon ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang kanilang ginagawa. Kaya't nagkabaha-bahagi ang mga mamamayan ng lungsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, ang iba nama'y sa mga apostol. Pinagtangkaan ng mga Hentil at ng mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, na saktan at batuhin ang mga apostol. Subalit nang nalaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas patungong Listra at Derbe, mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain. Ipinangaral nila roon ang Magandang Balita.

Sa Listra

Sa Listra ay may isang lalaking kailanma'y hindi makalakad sapagkat lumpo na mula nang ipanganak. Nakinig siya sa pangangaral ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling, 10 malakas niyang sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang maglakad. 11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila sa wikang Licaonia, “Bumaba sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe at Hermes si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. 13 Nagdala ng mga baka at ng mga bulaklak sa pintuan ng lungsod ang pari ni Zeus na ang templo ay nasa harap ng lungsod, sapagkat siya, kasama ng napakaraming tao, ay nais maghandog sa mga apostol.

14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at sumisigaw na tumakbo sa gitna ng mga tao, 15 “Mga (A) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga ito? Mga tao rin kaming gaya ninyo! Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran na ninyo ang mga bagay na ito na walang kabuluhan at magbalik-loob kayo sa buháy na Diyos, ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon. 16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niyang lumakad ang lahat ng mga bansa sa kanilang mga sariling daan. 17 Gayunma'y hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa mga kabutihang kanyang ginawa. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng mga masaganang panahon; binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” 18 Sa kabila ng mga salitang ito'y bahagya lamang nilang napigil ang napakaraming tao sa paghahandog sa kanila.

19 Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang maudyukan nila ang maraming tao, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad siya sa labas ng lungsod, sa pag-aakalang siya'y patay na. 20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungong Derbe.

Ang Pagbabalik sa Antioquia

21 Ipinangaral nila ang Magandang Balita sa lungsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami. Pagkatapos nito'y nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia, 22 habang pinatatatag ang loob ng mga alagad, at pinapayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. Sinabi nila, “Daranas tayo ng maraming kapighatian bago tayo makapasok sa kaharian ng Diyos.” 23 Nagtalaga sila sa bawat iglesya ng matatandang tagapamahala. Matapos manalangin na may pag-aayuno, sila ay kanilang itinagubilin sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. 24 Tinahak nila ang Pisidia at nagtungo sa Pamfilia. 25 Nang makapangaral na sila sa Perga ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon ay naglayag sila pabalik ng Antioquia. Doon sila ipinagkatiwala noon sa pagkalinga ng Diyos tungo sa gawaing ngayon ay natapos na nila. 27 Pagdating nila sa Antioquia, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang pagkakataon upang sumampalataya ang mga Hentil. 28 Nanatili sila roong kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.