A A A A A
Bible Book List

Mga Gawa 27 Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Paglalakbay ni Pablo Patungong Roma

27 Nang ipasyang maglalayag kami patungong Italia, inilipat sa senturyong ang pangalan ay Julio, ang pamamahala kay Pablo at sa iba pang mga bilanggo, mula sa mga kawal ng Emperador. Pagkasakay sa isang barkong Adrameto na maglalayag patungo sa mga daungan sa baybayin ng Asia, naglayag kami kasama si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica. Kinabukasan ay dumaong kami sa Sidon. Naging mabuti si Julio kay Pablo at pinahintulutan itong makadalaw sa kanyang mga kaibigan upang siya'y matulungan sa kanyang mga pangangailangan. Magmula roo'y naglayag kaming muli, at dahil pasalungat sa amin ang hangin, namaybay kami sa ligtas na bahagi ng Cyprus. Paglampas namin sa tapat ng Cilicia at Pamfilia, nakarating kami sa Mira ng Licia. Nakatagpo roon ang senturyon ng isang barkong Alejandria na naglalayag patungo sa Italia at pinasakay niya kami roon. Mabagal at naging mahirap ang aming paglalayag. Tumagal nang maraming araw bago kami nakarating sa tapat ng Cinido. Nang hindi na kami makapagpatuloy dahil sa hangin, namaybay kami sa ligtas na bahagi ng Creta, sa tapat ng Salmone. Matiyaga kaming namaybay hanggang marating namin ang isang lugar na tinatawag na Mabubuting Daungan, malapit sa lungsod ng Lasea. Dahil mahabang panahon na kaming naglalakbay at mapanganib na ang magpatuloy, sapagkat maging ang pag-aayuno ay nakalampas na, pinayuhan sila ni Pablo. 10 “Mga ginoo,” sabi niya, “sa tingin ko'y mapanganib na ang paglalayag na ito. Maaari na ring mapinsala at manganib, hindi lamang ang kargamento at ang barko, kundi pati na rin ang ating mga buhay.” 11 Ngunit pinaniwalaan ng senturyon ang kapitan at ang may-ari ng barko sa halip na ang mga payo ni Pablo. 12 Sapagkat hindi mabuting hintuan sa taglamig ang daungan, minabuti ng marami na magpatuloy sa paglalakbay, sa pagbabaka-sakaling makarating sila sa Fenix at magpalipas ng taglamig doon. Ito ay daungan ng Creta na nasa dakong hilagang-silangan at timog-silangan.

Bumagyo sa Dagat

13 Nang banayad na umihip ang hanging habagat, inakala nilang maaari na silang maglayag; kaya itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta. 14 Subalit hindi nagtagal at humagunot ang isang bagyo na tinatawag na Euraclidon. 15 Hinampas nito ang barko, at dahil hindi na kami makasalungat, nagpatangay na lamang kami sa hangin. 16 Namaybay kami sa ligtas na bahagi ng isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, at doo'y naisampa namin ang bangkang nakasabit sa barko, bagama't nahirapan kaming gawin iyon. 17 Nang maisampa na ito, gumawa sila ng paraan upang matalian ng lubid ang barko. Dahil sa takot na baka sila sumadsad sa dakong buhanginan ng Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayo'y nagpaanod na lamang. 18 Nagpatuloy ang malakas na bagyo sa paghampas sa amin, kaya't kinabukasa'y nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat. 19 At nang sumunod na araw pa ay itinapon na rin nila ang mga kagamitan ng barko. 20 Matagal na di namin nakita ang araw at ang mga bituin, at patuloy pa rin ang malakas na bagyo sa paghampas sa amin, kaya't nawala na ang lahat ng aming pag-asang makaligtas.

21 Nang matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila at nagsalita, “Mga ginoo, kung nakinig sana kayo sa akin at hindi tayo umalis sa Creta, naiwasan sana natin ang pinsala at kapahamakang ito. 22 Ngayon ito ang payo ko: lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mapapahamak isa man sa inyo kundi ang barko. 23 Sapagkat nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na may-ari sa akin at aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi ng anghel sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap sa Emperador. Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo na iligtas niya ang mga kasama mong naglalakbay.’ 25 Kaya tibayan ninyo ang inyong loob, mga ginoo, sapagkat sumasampalataya ako sa Diyos na mangyayari ang lahat ng sinabi niya sa akin. 26 Subalit kailangang tayo'y mapadpad sa isang pulo.”

27 Pagkalipas ng dalawang linggo sa dagat, patuloy pa rin kaming tinatangay ng hangin sa Dagat Adriatico. Nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa pampang. 28 Sinukat nila ang tubig at nalamang dalawampung dipa ang lalim; at pagsulong pa nang kaunti ay muli nilang sinukat at nalamang labinlimang dipa na lamang. 29 Sa takot naming mapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na sana. 30 Tinangka ng mga mandaragat na tumakas sa barko kaya't ibinaba ang bangka sa dagat, at kunwari'y maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan. 31 Ngunit sinabi ni Pablo sa senturyon at sa mga kawal, “Kapag hindi nanatili ang mga taong ito sa barko, hindi kayo maliligtas.” 32 Kaya't pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Labing-apat na araw na kayong naghihintay at walang kinakaing anuman. 34 Ipinapakiusap kong kumain na kayo! Kailangan ninyo ito para sa inyong kaligtasan. Kahit isang hibla ng buhok sa ulo ninyo ay hindi malalagas.” 35 Nang masabi na niya ito, kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat, pinagpira-piraso ang tinapay at nagsimulang kumain. 36 Lumakas ang loob ng lahat, at sila'y kumain din. 37 Dalawandaan at pitumpu't anim na tao kaming lahat na nasa barko. 38 Nang mabusog na sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko.

Pagkawasak ng Barko

39 Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, bagama't hindi nila alam kung anong lugar iyon. Ngunit nabanaagan nila ang isang look na may dalampasigan at binalak nilang maisadsad doon ang barko. 40 Kaya't kinalag nila ang tali ng mga angkla at inihulog ang mga iyon sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng malalaking sagwan. Itinaas nila ang layag sa unahan at hinayaang itulak ng hangin ang barko patungo sa dalampasigan. 41 Ngunit sumadsad ang barko sa dakong mababaw, sa dakong pinagsasalubungan ng dalawang dagat. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Ang hulihan naman nito'y winasak ng malalakas na hampas ng alon. 42 Binalak ng mga kawal na pagpapatayin ang mga bilanggo upang walang sinumang makalangoy at makatakas. 43 Subalit nais ng senturyon na iligtas si Pablo kaya pinigil niya ang balak ng mga kawal. Pinatalon niya sa tubig ang mga marunong lumangoy upang mauna na sa pampang. 44 Ang mga naiwan nama'y inutusan niyang sumunod na nakahawak sa mga tabla o sa mga bahagi ng barko. Sa gayon, lahat kami ay ligtas na nakarating sa lupa.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.

Mga Gawa 27 Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

27 At nang ipasiya na kami ay lalayag na patungo sa Italia, ay ibinigay nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo sa isang senturion na nagngangalang Julio, sa pulutong ni Augusto.

At sa paglulan namin sa isang daong Adrameto, na palayag sa mga dakong nasa baybayin ng Asia, ay nagsitulak kami, na kasama namin si Aristarco na isang taga Macedonia mula sa Tesalonica.

At nang sumunod na araw ay nagsidaong kami sa Sidon: at pinagpakitaan ni Julio ng magandang-loob si Pablo, at pinahintulutan siyang pumaroon sa kaniyang mga kaibigan, at siya'y magpakaginhawa.

At nang kami'y magsitulak buhat doon, ay nagsilayag kami na nagsipanganlong sa Chipre, sapagka't pasalunga ang hangin.

At nang matawid na namin ang dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, ay nagsirating kami sa Mira, na isang bayan ng Licia.

At nasumpungan doon ng senturion ang isang daong Alejandria na lumalayag na patungo sa Italia; at inilulan niya kami roon.

At nang makapaglayag na kaming marahan nang maraming mga araw, at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Gnido, na hindi kami tinulutan ng hanging makasulong pa, ay nagsilayag kami na nagsipanganlong sa Creta, sa tapat ng Salmon;

At sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nagsidating kami sa isang dako na tinatawag na Mabubuting Daongan; na malapit doon ang bayan ng Lasea.

At nang magugol na ang mahabang panahon, at mapanganib na ang paglalayag, sapagka't nakalampas na ang Pagaayuno, ay pinamanhikan sila ni Pablo,

10 At sa kanila'y sinabi, Mga ginoo, nakikita ko na ang paglalayag na ito ay makapipinsala at magiging malaking kapahamakan, hindi lamang sa lulan at sa daong, kundi naman sa ating mga buhay.

11 Datapuwa't may higit pang paniwala ang senturion sa piloto at sa may-ari ng daong, kay sa mga bagay na sinalita ni Pablo.

12 At sapagka't hindi bagay hintuan sa tagginaw ang daongan, ay ipinayo ng karamihan na tumulak mula roon, at baka sakaling sa anomang paraan ay makarating sila sa Fenix, at doon huminto sa tagginaw; na yao'y daungan ng Creta, na nasa dakong hilagang-silanganan at timugang-silanganan.

13 At nang marahang humihihip ang hanging timugan na inaakalang maisasagawa nila ang kanilang nasa, itinaas nila ang sinepete at namaybay sa baybayin ng Creta.

14 Datapuwa't hindi nalaon at humampas na galing doon ang maunos na hangin, na tinatawag na Euraclidon:

15 At nang ipadpad ang daong, at hindi makasalungat sa hangin, ay nangagpabaya na kami, at kami'y ipinadpad.

16 At sa pagtakbo ng daong na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Clauda, ay may kahirapan naming maitaas ang bangka:

17 At nang maitaas na ito, ay nagsigamit sila ng mga lubid, na tinalian ang ibaba ng daong; at, sa takot na baka mapapadpad sa Sirte, ay ibinaba nila ang mga layag, at sa gayo'y napaanod sila.

18 At sapagka't lubhang nakikipaglaban kami sa bagyo, nang sumunod na araw ay nangagsimula silang magtapon ng lulan sa dagat;

19 At nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ng kanilang sariling mga kamay ang mga kasangkapan ng daong.

20 At nang hindi sumisikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming mga araw, at sumasa ibabaw namin ang isang hindi munting bagyo, ay nawala ang buong pagasa na kami'y makaliligtas.

21 At nang maluwat nang hindi sila nagsisikain, ay tumayo nga si Pablo sa gitna nila, at sinabi, Mga ginoo, nangakinig sana kayo sa akin, at hindi umalis sa Creta, at nailagan ang kapinsalaang ito at kapahamakan.

22 At ngayon ay ipinamamanhik ko sa inyo na inyong laksan ang inyong loob; sapagka't walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang daong lamang.

23 Sapagka't nang gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang anghel ng Dios na may-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran,

24 Na nagsabi, Huwag kang matakot, Pablo; kailangang ikaw ay humarap kay Cesar: at narito, ipinagkaloob sa iyo ng Dios ang lahat ng kasama mo sa paglalayag.

25 Kaya nga, mga ginoo, laksan ninyo ang inyong loob: sapagka't ako'y sumasampalataya sa Dios, na mangyayari ayon sa sinalita sa akin.

26 Datapuwa't tayo'y kailangang mapapadpad sa isang pulo.

27 Datapuwa't nang dumating ang ikalabingapat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa magkabikabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating gabi na ay sinasapantaha ng mga mangdaragat na sila'y nangalalapit na sa isang lupain.

28 At kanilang tinarok, at nasumpungang may dalawangpung dipa; at pagkasulongsulong ng kaunti, ay tinarok nilang muli at nasumpungang may labinglimang dipa.

29 At sa takot naming mapapadpad sa batuhan, ay nangaghulog sila ng apat na sinepete sa hulihan, at iniibig magumaga na.

30 At sa pagpipilit ng mga mangdaragat na mangagtanan sa daong, at nang maibaba na ang bangka sa dagat, na ang dinadahilan ay mangaghuhulog sila ng mga sinepete sa unahan,

31 Ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, Maliban na magsipanatili ang mga ito sa daong, kayo'y hindi mangakaliligtas.

32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.

33 At samantalang naguumaga, ay ipinamanhik ni Pablo sa lahat na magsikain, na sinasabi, Ang araw na ito ang ikalabingapat na araw na kayo'y nangaghihintay at nangagpapatuloy sa hindi pagkain, na walang kinakaing anoman.

34 Kaya nga ipinamamanhik ko sa inyo na kayo'y magsikain: sapagka't ito'y sa ikaliligtas ninyo: sapagka't hindi mawawala kahit isang buhok sa ulo ng sinoman sa inyo.

35 At nang masabi na niya ito, at makadampot ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Dios sa harapan ng lahat; at kaniyang pinagputolputol, at pinasimulang kumain.

36 Nang magkagayo'y nagsilakas ang loob ng lahat, at sila nama'y pawang nagsikain din.

37 At kaming lahat na nangasa daong ay dalawang daan at pitongpu't anim na kaluluwa.

38 At nang mangabusog na sila, ay pinagaan nila ang daong, na ipinagtatapon sa dagat ang trigo.

39 At nang magumaga na, ay hindi nila makilala ang lupain; datapuwa't nababanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin, at sila'y nangagsangusapan kung kanilang maisasadsad ang daong doon.

40 At inihulog ang mga sinepete, at kanilang pinabayaan sa dagat, samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit; at nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan, ay nagsipatungo sila sa baybayin.

41 Datapuwa't pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang daong; at ang unahan ng daong ay napabunggo at tumigil na hindi kumikilos, datapuwa't nagpasimulang magkawasakwasak ang hulihan sa kalakasan ng mga alon.

42 At ang payo ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo, upang ang sinoma'y huwag makalangoy at makatanan.

43 Datapuwa't ang senturion, sa pagkaibig na iligtas si Pablo, ay pinigil sila sa kanilang balak; at ipinagutos na ang mga makalangoy ay magsitalon, at mangaunang magsidating sa lupa;

44 At sa mga naiwan, ang iba'y sa mga kahoy, at ang iba nama'y sa mga bagay na galing sa daong. At sa ganito nangyari, na ang lahat ay nangakatakas na ligtas hanggang sa lupa.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978

Viewing of
Cross references
Footnotes