Add parallel Print Page Options

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harapan ni Agripa

26 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita para sa iyong sarili.” Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at sinimulan ang kanyang pagtatanggol: “Haring Agripa, itinuturing kong mapalad ako na gagawin ko sa inyong harapan ang pagtatanggol na ito laban sa mga paratang sa akin ng mga Judio, sapagkat bihasa kayo sa lahat ng mga kaugalian at mga usapin ng mga Judio, kaya ipinapakiusap ko sa inyo na matiyaga ninyo akong pakinggan. “Nalalaman ng lahat ng mga Judio ang aking pamumuhay mula sa aking pagkabata sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. Alam (A) nila mula pa nang una, kung handa silang magpatunay, na namuhay ako bilang Fariseo, ang pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon. At ngayo'y nakatayo ako rito upang litisin dahil sa aking pag-asa sa pangakong binitawan ng Diyos sa aming mga ninuno. Ito ang pangakong inaasahang matamo ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y masigasig na naglilingkod sa Diyos gabi at araw. At dahil sa pag-asang ito, O Haring Agripa, ako'y isinasakdal ng mga Judio! Bakit hindi makapaniwala ang sinuman sa inyo na binubuhay muli ng Diyos ang mga patay? Ako (B) man ay nag-akala noong una na marami akong dapat gawin laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazareth. 10 At iyan nga ang aking ginawa sa Jerusalem. Batay sa kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng mga punong pari, hindi ko lamang ikinulong sa mga bilangguan ang marami sa mga hinirang, kundi sumang-ayon pa ako nang sila'y ipapatay. 11 Madalas kong ginagalugad ang mga sinagoga, at sinuman sa kanila ang abutan ko roon ay aking pinarurusahan at pinipilit ko silang lumapastangan. Sa tindi ng galit ko sa kanila'y pinag-usig ko sila maging sa mga lungsod sa ibang lupain.

Ang Salaysay ni Pablo tungkol sa Kanyang Pagbabagong-loob(C)

12 “Sa layuning ito, ako'y naglakbay patungo sa Damasco taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. 13 Nang katanghalian, habang kami ay nasa daan, nakita ko, Haring Agripa, ang isang liwanag mula sa langit na mas maliwanag pa kaysa araw. Nagningning ang liwanag sa palibot ko at ng aking mga kasamahan. 14 Bumagsak kaming lahat sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Masasaktan ka sa pagsipa mo sa tulis.’ 15 At itinanong ko, ‘Sino po ba kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako si Jesus na iyong inuusig. 16 Ngayo'y bumangon ka at tumindig. Nagpakita ako sa iyo sapagkat itinalaga kitang maging lingkod at maging saksi sa mga nakita mo sa akin at sa mga ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita sa mga kababayan mo at sa mga Hentil, na sa kanila ay isinusugo kita, 18 upang buksan mo ang kanilang mga mata, ibalik sila mula sa kadiliman tungo sa liwanag, mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos, upang tumanggap sila ng kapatawaran ng mga kasalanan at mapabilang sa piling ng mga ginawang banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.’

Ang Patotoo ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod

19 “Pagkalipas noon, O Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa pangitain mula sa langit. 20 Nangaral ako, (D) una sa Damasco, pagkatapos ay sa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat nilang talikuran ang kanilang kasalanan at magbalik-loob sa Diyos at patunayan sa pamamagitan ng kanilang mga gawa ang kanilang pagsisisi. 21 Dahil dito, dinakip ako ng mga Judio sa Templo at pinagsikapang ako'y patayin. 22 Hanggang ngayon ay hindi ako pinababayaan ng Diyos. Kaya't nakatayo ako ngayon sa inyong harapan at nagpapatotoo sa lahat ng tao maging dakila o hamak. Wala akong itinuturo kundi ang mangyayari na sinabi ng mga propeta at ni Moises: 23 na (E) ang Cristo ay dapat magdusa, at bilang unang muling nabuhay mula sa kamatayan, ay ihayag ang liwanag sa Judio at sa mga Hentil.” 24 Habang sinasabi pa niya ang mga ito, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka, Pablo! Ang labis mong karunungan ang nagpapabaliw sa iyo!” 25 Ngunit sinabi ni Pablo, “Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo. Ang ipinapahayag ko'y mga salita ng katinuan at katotohanan. 26 Alam ng hari ang mga ito, kaya sa harap niya'y nagsasalita ako nang buong laya. Tiyak kong walang nalilingid sa kanya sapagkat hindi sa isang sulok lamang ito nangyari. 27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam ko pong naniniwala kayo.” 28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo akong maging Cristiano!” 29 Ngunit sinabi ni Pablo, “Loobin nawa ng Diyos! At maging sa maikli o sa mahabang panahon dalangin kong hindi lamang ikaw, kundi maging ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon ay maging katulad ko, maliban sa mga tanikalang ito.” 30 Tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng mga kasama nila. 31 Lumayo sila at nag-usap, “Walang ginagawa ang taong ito na dapat hatulan ng kamatayan o pagkabilanggo.” 32 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Maaari na sanang palayain ang taong ito kung hindi niya hiniling na idulog ang kanyang kaso sa Emperador.”

26 At sinabi ni Agripa kay Pablo, Ipinahihintulot sa iyong magsaysay ka sa ganang iyo. Nang magkagayo'y iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay, at ginawa ang kaniyang pagsasanggalang:

Ikinaliligaya kong lubha, haring Agripa, na sa harapan mo'y gawin ko ang aking pagsasanggalang sa araw na ito tungkol sa lahat ng mga bagay na isinasakdal ng mga Judio laban sa akin.

Lalong-lalo na sapagka't bihasa ka sa lahat ng mga (A)kaugalian at mga suliranin na mayroon ang mga Judio: kaya nga ipinamamanhik ko sa iyo na pagdalitaan mong dinggin ako.

Ang akin ngang pamumuhay mula sa aking pagkabata, na nang una'y inugali ko sa gitna ng aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio;

Na napagtatalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa (B)lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Fariseo.

At ngayo'y nakatayo ako upang hatulan (C)dahil sa pagasa sa (D)pangakong ginawa ng Dios sa aming mga magulang;

Dahil sa pangakong ito'y ang aming labingdalawang angkan ay buong pusong nagsisipaglingkod sa Dios gabi't araw, na inaasahang kakamtin. At tungkol sa pagasang ito ako'y isinasakdal ng mga Judio, Oh hari!

Bakit inaakala ninyong ito'y hindi mapaniniwalaan, kung binubuhay ng Dios ang mga patay?

(E)Tunay na ako ma'y nagisip na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga Nazaret.

10 At ginawa ko (F)rin ito sa Jerusalem: at kinulong ko sa mga bilangguan (G)ang marami sa mga banal, (H)pagkatanggap ko ng kapamahalaan sa mga pangulong saserdote, at (I)nang sila'y ipinapapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsangayon laban sa kanila.

11 At madalas sa pagpaparusa ko sa kanila sa lahat ng mga sinagoga, ay pinipilit ko silang magsipamusong; at (J)sa totoong pagkagalit ko sa kanila, ay sila'y pinaguusig ko hanggang sa mga bayan ng ibang lupain.

12 Hinggil dito (K)sa paglalakbay kong patungo sa Damasco na taglay ang kapamahalaan at bilin ng mga pangulong saserdote,

13 Nang katanghalian, Oh hari, ay nakita ko sa daan ang isang ilaw na mula sa langit, na lalong maningning kay sa araw, at lumiwanag sa palibot ko at sa mga nagsisipaglakbay na kasama ko.

14 At nang mangapasubasob sa lupa kaming lahat, ay narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig? mahirap sa iyo ang sumikad sa mga matulis.

15 At sinabi ko, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi ng Panginoon, Ako'y si Jesus na iyong pinaguusig.

16 Datapuwa't magbangon ka, at ikaw ay tumindig sa iyong mga paa: sapagka't dahil dito'y napakita ako sa iyo, upang ihalal kitang ministro at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa akin, at ng mga bagay na pagpapakitaan ko sa iyo;

17 Na ililigtas kita sa bayan, at sa mga Gentil, (L)na sa kanila'y sinusugo kita,

18 Upang (M)idilat mo ang kanilang mga mata, (N)upang sila'y mangagbalik sa ilaw mula sa kadiliman at mula sa kapangyarihan ni Satanas hanggang sa Dios, upang sila'y magsitanggap ng (O)kapatawaran ng mga kasalanan at ng mga (P)mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.

19 Dahil nga dito, Oh haring Agripa, hindi ako nagsuwail sa pangitain ng kalangitan:

20 Kundi (Q)nangaral akong unauna sa mga taga Damasco, at sa (R)Jerusalem din naman, at (S)sa buong lupain ng Judea, at gayon din (T)sa mga Gentil, na sila'y mangagsisi at mangagbalik-loob sa Dios, na mangagsigawa ng mga gawang karapatdapat sa pagsisisi.

21 Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio sa templo, at pinagsisikapang ako'y patayin.

22 Nang aking tamuhin nga ang tulong na mula sa Dios, ay nananatili ako hanggang sa araw na ito na nagpapatotoo sa maliliit at gayon din sa malalaki, na wala akong sinasabing anoman kundi (U)ang sinabi ng mga propeta at ni Moises na mangyayari;

23 Kung paano na ang Cristo ay (V)kailangang maghirap, at kung paano na siya (W)muna sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay (X)ay magtatanyag ng ilaw sa bayan, at gayon din sa mga Gentil.

24 At nang magawa na niyang gayon ang kaniyang pagsasanggalang ay sinabi ni Festo ng malakas na tinig, Pablo, (Y)ikaw ay ulol; ang kalakhan ng dunong mo ay siyang sa iyo'y nagpapaulol.

25 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Hindi ako ulol, kagalanggalang na Festo; kundi nagsasalita ako ng mga salitang katotohanan at kahinahunan.

26 Sapagka't nalalaman ng hari ang mga bagay na ito, na sa kaniya'y nagsasalita naman ako ng buong laya: sapagka't naniniwala ako na sa kaniya'y walang nalilingid sa mga bagay na ito; sapagka't ito'y hindi ginawa sa isang sulok.

27 Haring Agripa, naniniwala ka baga sa mga propeta? Nalalaman kong naniniwala ka.

28 At sinabi ni Agripa kay Pablo, Sa kakaunting paghikayat ay ibig mo akong maging (Z)Cristiano.

29 At sinabi ni Pablo, Loobin nawa ng Dios, na sa kakaunti o sa marami man, ay hindi lamang ikaw, kundi pati ng lahat ng mga nagsisipakinig sa akin ngayon, ay pawang maging katulad ko naman, tangi lamang (AA)sa mga tanikalang ito.

30 At nagtindig ang hari, at ang gobernador, at si (AB)Bernice, at ang mga nagsiupong kasama nila:

31 At nang sila'y makahiwalay, ay nangagsalitaan sila sa isa't isa, na nagsisipagsabi, Ang taong ito ay (AC)walang anomang ginagawa na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.

32 At sinabi ni Agripa kay Festo, (AD)mapalalaya sana ang taong ito, (AE)kung hindi naghabol kay Cesar.