Add parallel Print Page Options

Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy kay Cristo

Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang kagandahang-loob ng Diyos ay sumagana? Huwag nawang mangyari! Paanong mangyayari na tayong namatay na sa kasalanan ay mabubuhay pa sa kasalanan? Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan? Kung gayon, (A) sa pamamagitan ng bautismo ay namatay na tayo at inilibing na kasama niya upang kung paanong si Cristo ay muling binuhay sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo naman ay lumakad sa panibagong buhay. Sapagkat kung nakiisa tayo kay Cristo sa kamatayan tulad ng sa kanya, tiyak na tayo ay makakasama niya sa muling pagkabuhay na tulad ng sa kanya. Dapat nating malaman ito: na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya sa krus, upang ang makasalanang pagkatao ay mamatay, at nang hindi na tayo pagharian pa ng kasalanan. Sapagkat ang sinumang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan. At kung tayo'y namatay kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay rin tayong kasama niya. Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na mamamatay; hindi na siya paghaharian pa ng kamatayan. 10 Nang siya'y namatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ito'y para sa lahat ng panahon. Ngunit nabubuhay siya ngayon at ang buhay niya ay para sa Diyos. 11 Gayundin naman kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan, subalit nabubuhay dahil sa inyong kaugnayan kay Cristo Jesus.

12 Kaya't huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang huwag na ninyong sundin ang mga hilig nito. 13 Huwag na rin ninyong ialay sa kasalanan ang anumang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Diyos, bilang namatay na at muling binuhay, at ialay sa kanya ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid. 14 Hindi na kayo dapat pang pagharian ng kasalanan, yamang wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano ngayon? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala dahil hindi na tayo sakop ng Kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na kaninuman ninyo ialay ang inyong sarili bilang alipin, kayo'y alipin ng inyong sinusunod, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o pagsunod na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating alipin ng kasalanan ay buong-pusong sumunod sa aral na doo'y ipinagkatiwala kayo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayon ay mga alipin na kayo sa pagiging matuwid. 19 Nagsasalita ako ayon sa pananaw ng tao dahil sa kahinaan ng inyong pagkatao. Kung paanong inialay ninyo bilang alipin ang mga bahagi ng inyong pagkatao sa karumihan at sa kasamaang nagdudulot pa ng lalong kasamaan, ngayon naman ay ialay ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng pagiging matuwid na humahantong sa kabanalan. 20 Sapagkat nang alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo sakop ng pagiging matuwid. 21 Ano naman ang naging bunga ng mga bagay na iyon na nasa inyo noon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang kinahinatnan ng mga iyon! 22 Subalit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang bunga nito'y kabanalan, at ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang walang-bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.