Add parallel Print Page Options

Ang Mabuting Pamumuhay

Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at maykapangyarihan, maging masunurin, at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. Turuan mo rin silang huwag manira ng kapwa, huwag makipag-away, maging mahinahon, at maging magalang sa lahat. Tayo rin noong una ay mga hangal, mga suwail, naliligaw, at naging alipin ng sari-saring pagnanasa at layaw. Namuhay tayo sa kasamaan at inggit. Kinapootan tayo ng iba at sila nama'y kinapootan natin. Ngunit nang mahayag ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag. Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng paglilinis ng muling kapanganakan at pagbabagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu, na masaganang ibinuhos ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas. Nangyari ito upang tayo'y maging tagapagmana ayon sa pag-asa sa walang hanggang buhay, yamang tayo'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob. Mapagkakatiwalaan ang salitang ito kaya't nais kong bigyang-diin mo ito sa iyong pagtuturo sa mga mananampalataya sa Diyos upang italaga nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siya namang kapaki-pakinabang sa mga tao. Iwasan mo ang mga walang-kabuluhang pagtatalo, ang mga talaan ng mga salinlahi, at ang mga pagtatalo't alitan tungkol sa Kautusan. Walang halaga at walang kabutihang maidudulot ang mga iyan. 10 Pagkatapos mong bigyan ng una at pangalawang babala, iwasan mo na ang sinumang lumilikha ng pagkakampi-kampi. 11 Alam mong ang ganyang uri ng tao ay marumi ang pag-iisip, masama at hayag sa kanilang ginagawa na sila'y hinatulan.

Mga Tagubilin at Basbas

12 Pagkasugo (A) ko riyan kay Artemas o kay Tiquico, sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis sapagkat ipinasya kong doon magpalipas ng taglamig. 13 Gawin (B) mo ang iyong makakaya upang tulungan sa paglalakbay sina Apolos at si Zenas na dalubhasa sa batas. Tiyakin mong sapat ang kanilang mga dadalhin sa paglalakbay. 14 Dapat matutuhan ng ating mga kapatid na iukol ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga pangangailangan, at maging kapaki-pakinabang.

15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko rito. Batiin mo ang mga nagmamahal sa atin sa pananampalataya.

Sumainyong lahat ang biyaya ng Diyos.[a]

Footnotes

  1. Tito 3:15 Sa ibang manuskrito mayroong Amen.