Add parallel Print Page Options

Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)

18 Lumapit (B) kay Jesus ang mga Saduceo, mga taong nagtuturo na walang pagkabuhay na muli, at nagtanong sila sa kanya, 19 “Guro, (C) isinulat ni Moises para sa amin na kung mamatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki ng namatay ay dapat pakasal sa babae upang magkaanak siya para sa yumao. 20 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawa ang babae subalit namatay ring walang naiwang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Walang ni isa man sa pitong magkakapatid ang nagkaanak sa kanya. Sa kahuli-hulihan, ang babae naman ang namatay. 23 Sa muling pagkabuhay, (kapag sila'y muling nabuhay)[a] sino sa pitong magkakapatid ang magiging asawa ng babae yamang napangasawa niya silang lahat?” 24 Sumagot si Jesus, “Nagkakamali kayo! At ito ang dahilan: hindi ninyo nauunawaan ang mga kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay ng mga tao mula sa kamatayan ay wala nang pag-aasawa. Sa halip, sila'y magiging katulad ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol (D) naman sa muling pagbangon ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa bahagi tungkol sa mababang punong nagliliyab na doon ay sinabi ng Diyos sa kanya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? 27 Hindi siya Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy! Maling-mali kayo!”

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 12:23 Sa ibang manuskrito wala ang bahagi na ito.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay(A)

27 Lumapit kay Jesus ang ilang Saduceo, ang mga hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. Siya'y kanilang tinanong, 28 na nagsasabi, “Guro, isinulat sa atin ni Moises na kung namatay ang lalaking kapatid ng isang lalaki, at ang asawa nito'y naiwang walang anak, dapat na pakasalan ng lalaking naiwan ang asawa nito upang mabigyan ng anak ang kanyang namatay na kapatid. 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Ang ikalawa 31 at ang ikatlo hanggang ikapito ay pinakasalan ang balo ngunit lahat ay namatay na walang iniwang anak. 32 Sa huli ay namatay na rin ang babae. 33 Sa muling pagkabuhay, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? Sapagkat ang pito ay naging asawa niya.” 34 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang mga tao sa kapanahunang ito ay nag-aasawa o pinag-aasawa. 35 Subalit ang mga karapat-dapat makabahagi sa kapanahunang iyon at sa muling pagkabuhay ay hindi mag-aasawa at pag-aasawahin. 36 Hindi na sila mamamatay, sapagkat para na silang mga anghel. Sila ay mga anak na ng Diyos at mga bunga ng muling pagkabuhay. 37 Ang muling pagkabuhay ng mga patay ay pinatunayan mismo ni Moises, sa kwento tungkol sa nagliliyab na mababang puno, nang tawagin niya ang Panginoon na ‘Diyos ni Abraham, at Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 38 Siya ay Diyos hindi ng mga patay kundi ng mga buháy sapagkat nabubuhay ang lahat sa kanya.” 39 Ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan ang nagsabi, “Guro, magaling ang iyong isinagot.” 40 Kaya, hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng kahit ano.

Read full chapter